top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 31, 2021




Natagpuang patay ang 71-anyos na si Porperio Sabate Pilapil matapos tangayin ng baha dahil sa paghagupit ng Bagyong Dante sa Davao del Sur.


Ayon sa ulat ng Malalag Municipal Police, pauwi sa bahay si Pilapil sakay ng bisikleta nang tangkain nitong suungin ang rumaragasang tubig-baha at sa sobrang lakas ng ragasa ay tinangay ito.


Samantala, 2 naman ang iniulat na nawawala sa Banga, South Cotabato.


Sa ngayon ay ekta-ektaryang palayan at fishpond na rin ang naapektuhan dahil sa Bagyong Dante.


Nananatili namang nakaalerto ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa lugar ng Caraga, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Bukidnon, at Misamis Oriental na kasalukuyang tinatamaan ng bagyo.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 12, 2021





Sugatan ang halos 20 katao sa karambola ng mga sasakyan sa Tupi, South Cotabato noong Huwebes.


Ayon kay Rolly Doane Aquino, South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council officer, kaagad na isinugod sa ospital ang mga biktima.


Sa inisyal na ulat, nabangga ng isang pampasaherong jeep ang van-type truck sa highway dahil sa madulas na kalsada dahil sa pag-ulan at sa lakas ng pagbangga ay nadamay din ang isang motorsiklo at puting kotse.


Ligtas ang driver ng delivery truck at ang dalawang pahinante nito pati rin ang mga sakay ng kotse ngunit kabilang sa mga sugatan ang driver ng motor. Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Tupi PNP matapos tumakas ang driver ng jeep.

 
 

ni Twincle Esquierdo | November 18, 2020





Nahulog ang ilang residente habang tumatawid sa isang hanging bridge na gawa sa kawayan sa Lake Sebu, South Cotabato.


Nasira ang tulay na kanilang tinatawiran dahil sa malakas na hangin at ulan. Wala namang naitalang nasawi, ngunit ang inaalala ng mga residente ay kung paano sila makararating sa isang sitio ngayong nasira na ito.


Samantala, umabot sa tuhod ang baha sa bayan ng Polomolok sa nasabi ring lalawigan na ang sanhi ay ang malakas na ulan at mga baradong kanal.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page