ni Lolet Abania | March 7, 2021
Umapela ang Philippine General Hospital (PGH) sa publiko na lumipat na ang ilang pasyenteng tinamaan ng coronavirus sa ibang COVID-19 referral facilities dahil sa tumataas na bilang ng mga kaso nito, kabilang ang isang patient na nagpositibo sa South African variant.
Sa ngayon, ang PGH ay mayroong 105 pasyenteng naka-confine sa kanilang charity habang sa pay ward ay mayroong 200-bed capacity. Ang intensive care unit (ICU) din ng ospital ay limitado lamang ang kapasidad.
"Nakikiusap din kami, tulungan, kami naman ay isang buong sistema, na 'yung ibang pasyente, baka puwedeng ilipat sa ibang COVID referral centers kung may bakante naman sila, lalo na kung minsan sa ICU," ani PGH spokesperson Dr. Jonas Del Rosario sa isang interview ngayong Linggo.
"Ang kawawa rin diyan ay 'yung mga pasyente na non-COVID patients namin dahil 'pag lumalaki 'yung COVID operations, lumiliit naman 'yung non-COVID operations," dagdag ni Del Rosario.
Ang panawagan ni Del Rosario ay kasunod ng naiulat na may isang nagpositibo sa South Africa variant ng COVID-19 sa ospital, kung saan patuloy na ginagamot habang nasa isolation.
"Wala pong severely ill, all are mildly symptomatic and some are asymptomatic. We have to recalibrate our measures, maaaring may mga areas na naging lax ang mga tao, so lahat 'yan, pinag-aaralan," sabi ni Del Rosario.
"It's a red flag and as you know, 'yung South Africa variant is something na napapabalita na easily transmissible right, very contagious, so we want to make sure na ma-contain talaga namin," ani pa ng doktor.