ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 19, 2020
Marami ang nagtatanong, ano raw ang programa ng gobyerno para sa mga kababayan nating mahirap para sa susunod na taon?
Aminin natin, wala pa tayong nasisilip na pag-asa na matatapos na ang COVID sa mga darating na raw. Kung pagbabasehan natin ang mga lumalabas na datos, hindi pa rin natin nakikita ang tinatawag na flat curve.
Sa pandemyang ito, numero-unong nilatay ang mahihirap nating kababayan. ‘Yung dating naghihirap na, mas lalo pang nakararanas ng dagdag-hirap ngayon dahil sa hindi normal na takbo ng ating pamumuhay. Marami ang nawalan ng trabaho, marami ang mga nagsarang kompanya.
Nitong Huwebes, natanggap natin sa Senado ang proposisyon ng iba’t ibang ahensiyang may kinalaman sa anti-poverty program hinggil sa hinihiling na dagdag budget para sa cash dole outs sa susunod na taon.
Sa proposisyon ng DSWD, NAPC o National Anti-Poverty Commission, DoLE, at iba pang ahensiya, hiniling nilang maglagak ng dagdag cash dole outs para sa pinakamahihirap na kababayan natin na ipapaloob sa P4.506 trilyong 2021 budget.
Sa pagtatala ng DSWD, posibleng pumalo sa 20 milyon ang bilang ng mahihirap na pamilya sa susunod na taon kaya’t kinakailangang may nakahandang ayuda ang gobyerno para sa kanila.
Bilang tayo ang chairman ng senate committee on finance na siyang mangunguna sa pagdinig sa national budget, pag-aaralang mabuti ng ating komite ang proposisyong ito ng mga nabanggit na ahensiya.
Maging si Senate President Tito Sotto ay umayon sa atin na kailangang balangkasin ng Mataas na Kapulungan ang panukalang ito dahil kapakanan ng naghihirap nating mga kababayan ang nakasalalay dito.
Mapapansin natin na sa mahigit P4 trilyong proposed budget ng gobyerno, walang nakapaloob na COVID-19 emergency cash assistance para sa pinakamahihirap nating kababayan.
Nabanggit din sa isang budget hearing sa Kamara ng DSWD na base sa kanilang programa, ang National Household Targeting System for Poverty Reduction, nilalayon nilang maisailalim dito ang may 16 milyong mahihirap na pamilya. Gayunman, dahil wala pang katiyakan sa COVID at patuloy itong nagpapahirap sa lahat, posibleng tumaas din ang bilang ng poorest households hanggang 20 milyon dahil marami pa rin ang patuloy na nawawalan ng trabaho.
Layunin ng programang ito ng DSWD na matukoy ang tunay na bilang ng poorest of the poor na tatanggap ng cash dole outs sa pamamagitan ng 4Ps program ng gobyerno.
At kami sa Senado, sa pangunguna ng ating komite, titiyakin nating pag-aaralan itong mabuti.
Sa panahong ito, dapat kapakanan ng mga kababayan nating halos hindi na makakain sa isang araw ang prayoridad natin. Sila ang dapat tutukan dahil sila ang talagang pinaka-apektado ng mga pangyayaring ito.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co