Lusot na sa Senado; batas, aarangkada sa pagpirma ng Pangulo
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | December 19, 2020
Nitong Martes, (Disyembre 15), inaprubahan natin sa Senado, sa pangunguna ng ating komite, ang Senate committee on finance ang pagpapalawig sa bisa ng 2020 General Appropriations Act, gayundin ng Bayanihan to Recover as One Act o mas kilala bilang Bayanihan 2 Law. Ito ay para mabigyan ng mas malawak na pondo ang gobyerno sa 2021 na mas magpapalawak din sa COVID response nito at sa pagbabangon ng ating ekonomiya.
At bilang chairman ng Senate finance committee, tayo ang tumayong sponsor ng dalawang panukalang ito — ang House Bill 6656 na humihiling na palawigin ang validity ng 2020 national budget hanggang Disyembre 31, 2021 at ng House Bill 8063 na nagpapalawig naman sa bisa ng Bayanihan 2 hanggang Hunyo 30, 2021.
Ang bisa ng 2020 GAA at ng Bayanihan 2 ay kapwa nakatakdang mag-expire sana ngayong Disyembre 2020. Subalit para mas maresolba ang mga umiiral na problema ngayon sa bansa, unang-una sa isyung pangkalusugan at sa ekonomiya, ang mga naturang panukala ay ginawang certified urgent ni Pangulong Duterte na agad namang inaprubahan ng Mababang Kapulungan at ipinasa ng Senado nitong nakaraang araw.
Kabuuang 18 senador ang pumabor sa mga panukala na pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo.
Base sa pahayag ng Department of Budget and Management o DBM, tinatayang P110 bilyon pa ang nananatiling unused sa 2020 national budget, habang P38 bilyon naman ang hindi pa nagagamit sa kabuuang P140 bilyong regular appropriations sa Bayanihan 2.
Kung susundin natin ang cash-budgeting system, ito pong sinasabing P110 bilyon kung mananatiling unobligated hanggang sa pagtatapos ng buwang kasalukuyan, kailangan itong ibalik sa national treasury. Batid naman natin na ilang araw na lang ang nalalabi ngayong buwan ng Disyembre, kaya’t parang napakaimposible na para sa mga ahensiya na maisumite ang mga kinakailangang dokumento.
Kung susumain, umaabot pa sa P148 bilyon ang hindi pa nagagamit na pondo. At hindi biro ang halagang ‘yan. Kung hindi ito magagamit sa panahong ito na punung-puno tayo ng mga usapin lalo na dahil sa pandemic, napakalaking problema niyan.
Kasama sa mga magla-lapse na pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 ang P100 milyong hazard pay at special allowance para sa frontliners natin kaya’t nararapat lang ang pagpapalawig sa Bayanihan 2 Law.
Napakahalaga ng bawat piso ngayon lalo na para sa pagbangon natin mula sa iba’t ibang delubyo sa buhay. At kung hindi natin magagamit nang tama ang pondo, para na ring mas pinalala pa natin ang problema at pinakawalan pa natin ang oportunidad na makaahon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com