ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | January 30, 2021
Hangga’t hindi bumabalik sa normal ang kalakaran sa buong globa, patuloy ang pag-a-adjust natin sa makabagong sistema. At isa riyan — ang pagiging digital, partikular sa iba’t ibang transaksiyon.
Ganito ang kinahitnan nang lahat dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Kung inyong mapapansin, karamihan sa atin ay mas pinipili na lamang na mag-grocery online, mag-shopping online o mamili ng mga pagkain sa pamamagitan ng online delivery. Ito kasi ang mas ligtas na paraan kaysa personal nating tunguhin ang mga pamilihan.
Ganitong sistema rin ang mas pinaiiral ngayon sa banking upang maiwasan ang paghawak ng kung anu-anong papeles o dokumento o kaya nama’y paghawak ng paper bills. Sana, sa lahat ng sangay ng gobyerno, ganitong proseso na rin ang pairalin.
Noong Setyembre nang nakaraang taon, tayo ay nagsulong ng panukalang-batas, ang SB 1764 o ang Use of Digital Payments Act. Nilalayon natin dito na mapalakas ang mas ligtas na financial transactions sa pagitan ng publiko at ng gobyerno sa pamamagitan ng digital payment.
Dahil nilalayon nga nating mapanatili ang mga kababayan natin sa kanilang bahay kung wala rin namang mahahalagang lakad sa labas, mas makabubuti sigurong mapairal na natin ang digital payment systems.
Ang nakalulungkot, noong Nobyembre 2020, nagpahayag ang Department of Interior and Local Government (DIGL) na 30 porsiyento lang ng LGUs ang nakasusunod sa digitized processes. Malinaw na mas mapaiigting ang sistemang ito kung mayroon tayong batas na nag-aatas sa lahat na sumailalim sa digital transition.
Ang isa sa mga nakikita nating paraan upang makasunod ang lahat ng LGUs sa e-government services ay kailangan, mayroong natatanging opisyal na tututok sa technological function ng bawat pamahalaang lokal. Ito ang dahilan kung bakit isinulong natin ang SB 1943 o ang Local Information and Communications Technology Officer Act. Iniaatas ng panukalang ito ang pagtatalaga ng Information and Communications Technology Officer o ICTO sa lahat ng lalawigan, lungsod at munisipalidad.
Kabilang sa mga pangangasiwaan ng ICTO ang pagbuo at pagsasakatuparan ng digitization plans sa public documents sa lokalidad kung saan siya nakatalaga. Siya rin ang magde-develop, magmamantine at mangangasiwa sa iba pang information and communications technology programs and services ng LGU, maging ang partnerships nito sa pribadong sektor; pangangalap at pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa ICT at sa iba’t ibang serbisyo publiko ng lokal na pamahalaan na kanyang kinabibilangan.
Ang ICTO ay kailangang Filipino citizen, may good moral character at nakapagtapos ng kurso sa information and communications technology tulad ng computer science, computer engineering, data science, electronics and communication engineering at iba pang kurso na may kinalaman dito.
Kinakailangan ding mayroon silang tatlo hanggang limang taong karanasan sa ganitong trabaho upang matiyak ang kanilang kuwalipikasyon sa naturang posisyon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com