ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | March 13, 2021
Bago sumambulat ang pandemya sa globa, at humagupit nang husto sa ating bansa, isa ang turismo sa malalakas nating industriya at malaking aspeto sa pagpapalusog ng ating ekonomiya.
Pero sa ngayon, kasabay ng ibang nanamlay na industriya, sadsad din nang husto ang estado ng turismo.
Sa ganitong pagkakataon, tulad ng nakikita nating pagtutulungan ng mga pribado at pampublikong sektor sa pagsusulong ng vaccination program, may maitutulong din ang private sectors para maibangon ang turismo, partikular ang tourism assets ng gobyerno na kung malilinang lamang ay mapakikinabangan nang husto.
Napakaraming ari-arian ng gobyerno na hindi na nabibigyan ng kaukulang atensiyon. Gumagalaw man ang mga ito, hindi naman ito nakadaragdag nang malaki sa kinikita ng pamahalaan.
Nariyan ang Banaue Hotel and Youth Hostel, gayundin ang napakaraming isla sa Visayas na kulang sa promosyon ng gobyerno upang tangkilikin ng publiko. Ang mga ito ay pawang pag-aari ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority na sinasabing prime tourist destinations. Kung mahahawakan lamang ng private enterprises na may malawak na karanasan sa assets development ang mga ito, tiyak ang pag-usbong ng mga ari-ariang ito ng gobyerno.
Tulad ng sistema sa build-operate-transfer, puwedeng pasukan ito ng private sector at pagandahin ang mga nabanggit nating assets. Sa sandaling magawa na nilang profitable ang mga ito, iyon na ang pagkakataon na muli nilang ibalik ang mga ito sa posesyon ng gobyerno.
Umaasa tayong matapos lamang ang pandemyang ito at maging ligtas na ang kalusugan at ang pagbibiyahe ng mga lokal at dayuhang turista, muling aalagwa ang industriya ng turismo, sa tulong ng mga pribadong sektor.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com