ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | May 29, 2021
Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang ating panukalang Senate Bill 2124 o ang proposisyong pag-amenda sa SK Reform Law.
Sa pamamagitan ng panukalang ito, mabibigyang-katarungan ang palasak na kasabihang ‘ang kabataaan ang pag-asa ng bayan’. Nilalayon natin dito na palakasin ang kapangyarihan ng kabataan sa ating komunidad at mabigyang-oportunidad sila na magpahayag ng kanilang tinig at saloobin sa iba’t ibang usapin sa ating bansa.
Sila ang susunod na henerasyon ng mga lider, kaya’t nararapat na ngayon pa lamang ay hinuhulma na natin ang kanilang kaalaman sa mahahalagang aspeto ng lipunan.
Nagpapasalamat tayo sa ating mga kasamahan sa Senado na sumang-ayon sa ating panukala.
Sa Hunyo 30 taong kasalukuyan, paso na ang bisa ng Bayanihan 2 o ang Bayanihan to Recover as One Act, gayundin ang pinalawig na 2020 national budget. Ang nakapanlulumo, mag-e-expire na lang ang bisa ng mga batas na ito, hindi pa rin pala naio-obligate sa mga nauukol na programa ang mga pondo.
Panawagan natin sa concerned government agencies, isang buwan na lang ang natitirang palugit — baka puwedeng gastusin na ang pondo para sa iba’t ibang priorities na inilaan sa inyo sa ilalim ng Bayanihan 2 at ng 2020 GAA.
Huwag sana nating sayangin ang pinagsikapang pagsulat ng batas ng ating mga lehislador na kinabibilangan ng inyong lingkod, masiguro lamang na sa panahon ng pandemya ay may maaasahang tulong ang ating mga kababayan.
Kung hindi magagamit sa tamang panahon ang mga pondong ‘yan, babalik ‘yan sa Bureau of Treasury at masasayang lang ang magandang intensiyon ng batas. Hindi natin puwedeng sabihin na nagahol tayo sa oras kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin nai-obligate ang mga pondo. Disyembre pa nang nakaraang taon, expired na dapat ang Bayanihan 2, gayundin ang 2020 GAA. Pero dahil marami pa sa mga pondo ang hindi pa nagamit, pinalawig natin ang bisa ng mga batas na ‘yan hanggang ngayong June 30, 2021.
Ang Department of Agriculture, mayroon pa ring unobligated funds na P1.5 bilyon; tinataya namang P6-B hanggang P7-B pang pondo ang hindi nagagamit ng DOTr; mayroon namang P9-B unobligated fund ang DOH, habang ang Department of Trade and Industry, mayroong P1-B pondo na dapat magamit para pautang sa ating small and medium enterprises na talaga namang hinagupit ng pandemya.
Maging ang Department of Education, mayroon pa ring pondong hindi pa nagagamit na nakalaan sa kanilang digital infrastructures at alternative learning modalities.
Sa kabuuang P4-B ng DepEd, base mismo sa datos ng ahensiya, P2.5-B pa lamang ang naipalalabas nito mula Setyempbre 2020. At sa halagang ‘yan, P32-M ang nai-disburse ngayong Mayo 2021.
Liban sa implementasyon ng digital infrastructures at alternative learning modalities, mayroon pang P300 milyong pondo na inilaan sa DepEd sa ilalim ng Bayanihan 2, para naman ‘yan sa allowances at subsidies para sa qualified students. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin ito nao-obligate. Hanggang ngayon, wala pa ring naio-obliga ang DepEd sa aspetong ito.
Kaawa-awa ang mga guro na dumurukot na ng panggastos sa sariling bulsa para mapondohan ang kanilang internet connection para lang magtuluy-tuloy ang kanilang trabaho. May pondo ang DepEd, kaya’t kung maaari, resolbahin na ang problemang ito ng mga guro sa lalong madaling panahon.
Samantala, gumugulong ngayon sa Kamara ang pagpasa ng Bayanihan 3, at nito ngang nakaraang araw, lumusot na ito sa committee level. Maganda ang intensiyon ng batas, pero ang malaking tanong, saan tayo kukuha ng pondo para rito? Kung uutangin ito ng gobyerno, hindi ito praktikal, dahil parang lumalabas, ‘yung ayudang itinulong natin, parang pababayaran din sa mga benepisaryo.
Isa pa, mahalaga ring makita muna natin ang kinahinatnan ng mga pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 at ang extended GAA — kung paano ito inobliga ang mga ahensiya.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com