ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | June 19, 2021
Noong araw, ang kababaihan ay ikinokonsiderang mahihinang kasarian. Dala na rin siguro ng kinasanayan nila noong mga unang panahon. Bawal silang magbuhat ng mabibigat o hindi nila puwedeng gawin ang dapat ginagawa ng kalalakihan, lalo na sa usapang trabaho.
Noon, wala ring kababaihan sa matitinding palakasan tulad ng basketball o anumang sports na nakagisnan nating panlalaki.
Pero nang gulantangin tayo ni Miss Hidilyn Diaz, ang Filipina weightlifter na nagbigay sa atin ng kauna-unahang medalya sa Olympics sa loob ng 20 taon, nabago ang pananaw natin sa paniwalang “lakas at kahinaan” ng kababaihan. Nasungkit noon ni Miss Diaz ang silver medal sa Summer Olympics na ginanap noong Agosto 2016 sa Rio de Janeiro, Brazil.
At nitong nakaraang dalawang linggo lang — taong kasalukuyan, isa na namang Pinay ang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas — si Miss Yuka Saso na nag-kampeon sa U.S. Women’s Open Golf Championship.
Lahat tayo, napanganga sa karangalang ito na nakamit ni Yuka.
At bilang pagkilala kay Miss Saso, isang Senate Resolution ang isinulong natin sa Senado — ang Senate Resolution No. 755 na nagbibigay-parangal sa kanyang pagsisikap at determinasyong mas maitaas pa ang kanyang sarili bilang pinakamagaling na female golfer sa buong daigdig.
Dumarami na ang mga female athlete natin na gumagawa ng pangalan sa pandaigdigang palakasan sa kani-kanilang kategorya.
Si Hidilyn ay muling makikipagtagisan ngayong taon sa Tokyo Olympics at ipanalangin natin na muli niya itong mapagwagihan. Dahil ang kanyang panalo — ang kanilang panalo ay panalo ng sambayanang Pilipino.
Nariyan din ang batambatang female tennis player natin — si Alex Eala na gumagawa ngayon ng pangalan sa tennis under-18 tournaments.
Dahil sa ating female athletes, lalo na sa kampeonato ni Bb. Saso, unti-unti nang napapansin sa mga pandaigdigan torneo ang ating mga manlalaro. Pinatunayan natin sa kanila na hindi madaling kakompitensiya sa palakasan ang mga Pilipino.
At dahil nagsisilbi ngayong inspirasyon sa Filipino golfers ang panalong ito ni Yuka, posibleng sa mga darating na araw, darami rin ang kabataang susubok at magsasanay para maging mahusay na golfer sa bansa.
Muli, tayo ay sumasaludo sa pagwawagi ni Yuka Saso, dahil buong Pilipinas ang taas-noo ngayon sa buong mundo. Isang malaking kasiyahan ito sa kabila ng ating patuloy na paghihirap dulot ng pandemya.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com