expired na ang bisa ng bayanihan 2.
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 17, 2021
Expired na ang bisa ng Bayanihan 2 nitong nakalipas na Hunyo 30. Pero ang mga probisyong nagpapatupad sa mga benepisyo ng ilang mahahalagang sektor at industriya ay mananatili. Pangunahin d’yan ang mga benepisyo ng magigiting na medical frontliners.
Patuloy lang ang mga benepisyong ito, hangga’t tayo ay nasa pandemya at hangga’t hindi pa binabaklas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deklarasyon ng national emergency kaugnay sa ating sitwasyon.
Kabilang sa mga mananatiling benepisyo para sa medical frontliners na nasa active duty ang mga tulong-pinansiyal, tulad ng P15,000 kung sila ay magkakaroon ng mild COVID; P100,000 sa kritikal na kondisyon at P1-M kung sila ay mamamatay. Ang huli ay ipagkakaloob ng gobyerno sa kanilang inulilang immediate family.
Maging ang kanilang magagastos sa pagpapaospital dahil sa COVID ay babalikatin ng estado, liban pa sa mga patuloy nilang matatanggap na life insurance, accommodation, transportation, meal at special risk allowances.
Tuluy-tuloy din ang iba pang benepisyo sa iba’t ibang sektor tulad ng suspended permitting requirements, agrarian reform clients at suporta sa transportation sector na talagang patuloy na hinahagupit ng pandemya.
Mananatiling suspendido ang permitting requirements para sa flagship projects o malalaking proyekto ng gobyerno na may kaugnayan sa Build, Build, Build. Maging ang permit requirements para sa telco infrastructures ay isasailaim din sa nasabing suspensiyon na magpapatuloy hanggang sa Setyembre ng taong kasalukuyan.
At dahil walang magaganap na phase out sa mga jeepney, tuloy ang kita at pasada ng mga kapatid nating drivers. Tinitiyak natin ‘yan dahil nakasaad mismo ‘yan sa mga probisyong nilalaman ng Bayanihan 2.
Maging ang agrarian reform benefits ay mananatili dahil na rin sa malaking epekto ng pandemya sa sektor ng sakahan.
Patungkol naman sa loan assistance para sa MSMEs, posibleng hindi lahat ay nabigyang-impormasyon sa loan window accounts para sa kanila sa ilalim ng Department of Trade and Industry. At ang maganda rito, hindi rin kasamang nag-expire ng Bayanihan 2 ang loan windows ng Development Bank of the Philippines at ng Land Bank of the Philippines na maaari pa ring lapitan ng ating maliliit na negosyante.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com