ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 07, 2021
Sa ngayon, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga apektado ng Delta variant ng COVID-19 sa buong globa at isa ang Pilipinas sa mga sinasalanta nito sa kasalukuyan. Hindi pa man masasabing malaki na ang bilang dito sa atin, hindi naman dapat pang hintayin — dapat na itong agapan. At ang tanging maaasahan natin sa pag-combat sa pagkalat nito — ang ating mga pagamutan o ospital.
Nakalulungkot lang na hanggang ngayon ay patuloy palang nakatengga ang mga bayarin ng PhilHealth sa hospital claims ng iba’t ibang public at private hospitals sa bansa.
Hindi biro ang bilis ng pagkalat ng Delta variant at posibleng gumawa na naman ito ng malaking problema sa mga susunod na araw. Hanggang ngayon, hindi pa nakare-recover ang mga ospital sa sunud-sunod na kaso ng klasikong uri ng COVID-19, pero nagbabanta na ang Delta variant.
At ano ang maaaring sagot dito? Ang maayos na pasilidad, kahandaan, at kapasidad ng ating mga ospital. Pero, paano nila mapopondohan ang kanilang mga pangangailangan kung hanggang ngayon, nagkukulang sila sa budget dahil sa napakalaking utang ng gobyerno sa kanila. Bilyun-bilyon na pala ang bayarin ng PhilHealth sa hospital claims!
Sa krisis pangkalusugan na kinahaharap natin ngayon, hindi dapat nagkakaroon ng ganitong problema ang ating mga ospital. Higit kailanman, sila ang dapat “pinakaarmado” sa laban nating ito. Pero, paano natin sila masasandigan kung sila mismo ay mahina?
Napakasakit marinig na dahil sa kakulangan ng budget, napipilitan ang mga ospital na magbawas ng bed capacity at working hours. Ito pa naman ang mahahalagang aspeto ng ating mga pagamutan.
Noong Mayo, isiniwalat ng Philippine Hospital Association na ang hospital claims ng kanilang organisasyon sa PhilHealth ay nagkakahalaga nang mula P50 milyon hanggang P700 milyon. Isang member hospital pa nga umano ang nagsabing umabot na sa P1.2 bilyon ang kanilang unpaid claim.
Ganito rin ang problema ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. o PHAPI. Umabot na raw kasi sa P28 bilyon ang dapat bayaran sa kanila ng PhilHealth sa hospital claims.
Sabi ni PhilHealth President and CEO Dante Gierran, kaya nangyari ‘yan ay dahil na rin sa pandemic. Hindi kasi naging maayos ang kanilang pagproseso ngayon dahil apektado ang kanilang workforce at kulang sila sa personnel.
Sabihin na nating totoo ang katwiran ni G. Gierran. Pero mas mahalaga ang kapakanan ng mamamayan dahil sa banta ng mapanganib na Delta variant. Dapat nilang gawan ng paraan ‘yan at huwag magmukmok sa katwirang “kulang kami sa tao na magproproseso.” Ilang buwan din naman tayong nagluwag sa mga restriksiyon dahil wala pa ang Delta variant noon. Bakit hindi naasikaso?
Sa ngayon, may isinusulong tayong resolusyon sa Senado. Ang Senate Resolution 774 na naglalayong alamin at silipin kung ano ang totoong dahilan ng PhilHealth sa pagka-delay ng pagbabayad nila sa hospital claims.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com