ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 28, 2021
Nakalulungkot ang balitang nahaharap ngayon sa manpower problem ang St. Luke’s Medical Center. Karamihan sa kanilang health workers, tulad ng mga nurse ay minabuti nang mangibang bansa. Pangunahin nilang dahilan ang napakababang sahod at kawalan ng maayos na working condition sa bansa.
Nangyari ito sa kasagsagan ng usapin hinggil sa napipintong mass resignations din umano ng health workers mula sa mga pribado at pampublikong ospital dahil sa patuloy na pagbabalewala ng Department of Health sa kanilang panawagang ibigay ang kanilang nauukol na benepisyo.
Ilang araw at buwan na rin tayong nananawagan sa DOH na kung maaari ay i-release na ang health benefits ng mga health workers. Kabilang sa mga benepisyong ‘yan ang special risk allowance o SRA at ang hazard allowances.
Malinaw na nakalagay sa batas, sa Republic Act 7305 o ang Magna Carta of Public Health Workers na sa kasagsagan ng pandemya, entitled sa hazard allowance ang government health frontliners. Ang naturang allowance ay katumbas ng halos 25 porsiyento ng buwanang basic salary ng health worker na tumatanggap ng Salary Grade 19 pababa. Limang porsiyento naman para sa mga health workers na may Salary Grade 20.
Nabanggit natin ang hazard allowance nitong nakaraang araw sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee matapos ipahayag ng DOH na kasabay ng pag-expire ng Bayanihan to Recover as One Act o ang Bayanihan 2 noong Hunyo 30 ay natapos na rin ang pagkakaloob ng SRA sa health workers.
Hindi pupuwede ito ay maling-mali sila rito. Dahil ang totoo, hangga’t nasa national emergency ang bansa dahil sa pandemya at hangga’t hindi binabaklas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deklarasyon ng national emergency, mananatili ang pagkakaloob ng SRA sa private at public health workers.
Sabi ng DOH, noong mag-expire ang Bayanihan 2, nag-expire na rin ang issuance ng SRA. Mali ‘yun. Meron tayong liberal approach dito at marami na tayong nakausap na legal personalities tungkol dito. Nakalulungkot na kung sino pa ang dapat nakikipaglaban para sa kapakanan ng health workers ngayong pandemya, parang sila pa ang walang pakialam.
Ang mga health workers ay iniaalay ang kanilang sarili kaligtasan para makapagligtas ng buhay. Napakahirap bang intindihin nito? Barya lang halos ang benepisyong ‘yan, bakit kailangan nating ipagdamot sa mga taong bubuhayin ka kahit nasa bingit ka na ng kapahamakan?
Maging sensitibo sana ang mga kinauukulan sa gobyerno at bigyan ng hustisya ang health workers natin. Marami sa kanila, nagkakasakit na rin. At ‘pag gumaling, balik trabaho agad. Huwag natin silang pagdamutan ng tulong.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com