ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 25, 2021
Mabilis na lumusot sa Senado nitong nakaraang araw ang pagpasa sa proposed budget ng Office of the President (OP) na nagkakahalaga ng P8.182-B.
Base sa kanilang inilatag na breakdown sa panukalang pondo, P5.1-B ang ilalaan sa Presidential Oversight Program; P916-M para sa Presidential Executive Staff Services Program; P85-M para sa Presidential Legal and Legislative Services Program at P84-M para sa Presidential Advisory Program.
Halagang P4.5-B din ang hiniling ng OP para sa kanilang confidential and intelligence budget para sa 2022 na katulad ding halaga sa kasalukuyan nilang intel budget ngayong taon.
Ang Presidential Management Staff o PMS naman ay nagpanukala ng P751.1 milyong budget para sa susunod na taon.
Ayon sa tanggapan ng Pangulo, sa kasalukuyan nilang confidential and intelligence budget, gumastos sila ng P2.95-B. Ito ang isinagot ng OP nang busisiin ng mga senador hinggil sa katayuan ng kasalukuyang intel budget.
Agaran man nating ipinasa ang budget ng OP sa ilalim ng Senate Committee on Finance na pinamumunuan ng inyong lingkod, hiniling pa rin ng mga senador sa OP sa pangunguna ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang agarang paglalabas sa pondong inilaan ng mga mambabatas para sa iba’t social at local infra projects na inaprubahan sa ilalim ng 2021 GAA. Umaabot ang pondong ‘yan sa mahigit P100 bilyon, na minarkahan ni Pangulong Duterte na FLR o for later release nung lagdaan niya ang 2021 budget nung nakaraang Disyembre.
Partikular na hiniling natin sa tanggapan ng Pangulo ang pondo para sa implementasyon ng RA 11509 o ang Doktor Para sa Bayan Act. Nilalayon ng batas na ito na makapagbigay ng medical scholarship para sa mga mag-aaral na nais maging doktor.
Kailangan kasi talaga natin ngayon ng mga karagdagang medical practitioner para makatulong sa atin sa COVID-19 response. Ang problema nga, wala pang ipinalalabas ng pondo para sa pagpapatupad nito.
Kung lalabas lang ang pondong ‘yan, mas marami sanang mapaggagamitang proyekto at maraming trabaho pa ang malilikha. Noong hagupitin tayo ng COVID, milyun-milyong kababayan natin ang nawalan ng trabaho. Sa pondong P100-B, marami sanang natulungan ‘yan kung agad na naipalabas.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com