ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 22, 2021
Bumababa man kahit paano, ayon sa mga datos na ipinalalabas ng health department ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID sa kasalukuyan, malayo pa rin sa inaasam-asam nating kaligtasan sa pandemya ang kalagayan natin ngayon.
Patuloy ang pagdami ng ating mga kababayang, nawalan ng trabaho — patuloy ang pagdami ng mga nagugutom at naghihirap.
Panagawan natin sa Department of Labor and Employment, sana ay magkaroon sila ng solidong plano o special programs para sa mga manggagawa at industriya na patuloy na hinahagupit ng pandemya.
Ang mga batang tumigil sa pag-aaral dahil sa kawalan ng pantustos ng pamilya sa kanilang pag-aaral ay maaari ring sumailalim sa programa ng gobyerno — ang Special Program for the Employment of Students o SPES. Ang SPES ay nagbibigay ng job opportunities sa mga estudyanteng tumgil sa pag-aaral o sa mga out of school youth.
Pero komendahan din natin ang DOLE dahil sa masugid nilang paglalaan ng mga assistance program para sa mga sektor na patuloy na pinahihirapan ng pandemya — nariyan ang kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at ang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).
Malaking tulong ang mga programang ‘yan ng DOLE, pero mas mabuti pa rin sana, kung lahat ng Pilipinong nagdarahop ngayon, mabiyayaan ng tulong ng gobyerno. Hanggang ngayon kasi, napakarami pa talaga ng mga hindi pa nakababangon. Sana walang maiwang nakabulagta sa kahirapan.
Nagpalabas ng report ang Philippine Statistics Authority noong August 2021 na nagsasabing nasa 8.1 percent unemployment rate tayo sa kasalukuyan. Ibig sabihin, malayo pa rin talagang maabot ang recovery levels na maihahambing sa takbo ng pamumuhay natin noong 2019.
Kung pagbabasehan ang PSA report, 3.88 milyong Pilipino ngayon ang walang trabaho o 6.9 percent na mas mataas sa naitalang jobless Pinoys nitong nakaraang Hulyo 2021.
Sa budget briefing na pinangunahan ng ating komite noong isang linggo, ang Senate Committee on Finance, nakakapanlumo ang sinabi ng Department of Trade and Indusry (DTI) na kulang-kulang 900,000 ang mga Pinoy na nawalan ng trabaho noong isang taon.
Ganun kalaki ang bilang ng mga biglang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemyang ito.
Nakakaalarma ang mga numerong ‘yan. Ngayon lang natin naranasan ‘yan dahil nga sa pandemyang ito.
Hiling natin sa DOLE, sana ay magkaroon sila ng feedback mechanism para matukoy kung sinu-sino ang mga nawalan ng trabaho, kung saan sila naninirahan at kung ano’ng sektor sila nabibilang. Mas magiging madali para sa gobyerno na matulungan sila sa ganitong paraan.
Umaasa tayong sakaling ma-locate ang mga kababayan nating ‘yan, mapabilang sila sa mga programa ng TUPAD at CAMP nang sa gayun ay maitawid nila ang kanilang pamilya.
Nakakaawa talaga na kung kailang mas kailangan nila ng tulong at kabuhayan dahil nasa pandemya nga tayo, nawalan pa sila ng trabaho. Nakadidismaya. Sana’y agarang umaksiyon ang lahat ng kinauukulan para sa kapakanan ng mamamayan, lalo na ang
pinakamahihirap na sektor.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com