ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | November 20, 2021
Kamakailan, pinasimulan na sa ilang lalawigan ang muling pagpapatupad ng face-to-face classes para sa mahigit 100 paaralan na isinali sa pilot run. Marami ang umayon sa hakbang na ito ng gobyerno dahil napakalaking abala nga naman ng pandemya sa sistema ng ating edukasyon.
Malaking hamon, lalo na sa mga pamilya ang distance at blended learning. Unang-unang problema, ang napakabagal na koneksiyon ng internet, dahilan upang hindi makadalo sa klase ang mga bata o kaya naman ay ma-late at hindi makahabol sa daily lessons.
Ang pagbubukas ng ilang pampubliko at pribadong paaralan ngayong buwan ang nagbigay-pag-asa sa atin na talagang nalalapit na tayo sa pagbabalik ng normal na pamumuhay. Isa sa malalaking posibilidad kung bakit unti-unti na tayong bumabalik sa dati ay ang pagdami ng bilang ng mga kababayan nating bakunado, gayundin ang ating disiplina at pagsunod sa mga ipinatutupad na health at safety protocols.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget para sa 2022, ilang katanungan ang nais nating masagot — gaano nga ba tayo kahanda na muling bumalik sa normal ang ating education system?
Noong silipin kasi natin ang isinumiteng National Expenditure Program (NEP) ng DBM, at ang General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahang bersiyon naman ng Kamara, wala tayong nakitang pondo para sa paghahanda sa face-to-face classes. Siguro, dahil nang sinulat o binubuo pa lamang ng mga kinauukulan ang 2022 budget ay wala pa talaga silang plano na ibalik sa normal ang sistema dahil nga sa patuloy na pagtaas ng COVID cases noong mga panahong ‘yun.
Bilang sagot, at para makatulong din tayo sa problemang ito, ipinanukala ng ating komite, ang Senate Committee on Finance, na itaas ang 2022 budget ng DepEd. Ito ay para maging handa tayo sa posibilidad na darami pa ang mga paaralan na magpapatupad ng face-to-face classes sa mga darating na buwan.
Ipinanukala rin ng ating komite na dagdagan ang pondo ng 116 SUCs na kinabibilangan ng University of the Philippines System.
Maliban sa mga nabanggit, dagdag-pondo rin ang suhestiyon ng ating komite para sa implementasyon ng Alternative Learning System o ALS at sa Special Education Program ng DepEd. Layunin natin dito na walang maiiwang bata o estudyante sa larangan ng edukasyon.
Ang mga kababayan nating walang kakayahan para sa formal education ay maaari pa ring makapag-aral sa pamamagitan ng ALS at SPED. Ipinanukala rin natin na itaas ang pondo ng Last Mile Schools Program na itutuon sa konstruksiyon ng mas marami pang eskuwelahan, tech-voc laboratories, water and sanitatioin facilities at instalasyon ng solar panels sa malalayong probinsiya.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com