ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | April 9, 2022
Isa sa mga dumanas ng matinding hagupit ng pandemya ng COVID-19 sa bansa ang sektor ng turismo. Ayon nga kay International Labour Organization (ILO) Asia-Pacific Regional Director Chihoko-Asada Miyakawa, maikokonsiderang trahedya sa sektor ang pandaigdigang krisis dulot ng COVID dahil labis na naapektuhan ang galaw ng turismo sa Pilipinas.
Ayon sa pag-aaral, mahigit 1 milyong trabaho na may linyada sa turismo ang inabot ng matinding dagok mula pa noong 2020 at umabot din sa mahigit P1 trilyon ang ikinalugi ng Philippine tourism. Isa anilang dahilan ang pagbagsak ng tourist arrivals sa bansa na apat na ulit na mas sadsad sa 2019 figure na 8.2 milyon.
Isa ring dahilan ng bagsak na turismo ng Pilipinas ang sabay na pag-atake ng pandemya at ng mga natural na kalamidad tulad na lang ng Bagyong Odette na sumalanta sa maraming lalawigan sa Visayas at Mindanao region, gayundin sa ilang lugar sa Luzon nitong Disyembre 2021.
Isa ang Palawan sa mga lugar sa Pilipinas na madalas puntahan ng mga lokal at dayuhang turista dahil sa ganda ng mga tanawin dito at ang kalinisan ng lalawigan. Gayunman, dahil sa pandemya, bumagsak ang tourist businesses dito, dahilan upang marami sa mga manggagawa ay mangapa na lamang sa pondo maitawid lang ang kanilang maliliit na negosyo.
At dahil din sa Bagyong Odette, ilan ding malalaking negosyo ang nasira, partikular sa pamosong lalawigan ng Siargao. Ayon kay Melot Alejo, isang resort at spa owner sa nasabing lalawigan, bumagsak sa kawalan ang kanilang negosyong unti-unti pa lamang bumabangon mula sa pandemya.
Ganitong sitwasyon din ang dinaranas ng mga kalapit-bansa ng Pilipinas tulad ng Indonesia at Vietnam. Ngunit dahil sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID, unti-unti na ring nagbubukas ng borders ang Indonesia at nagpapatupad ng quarantine-free travel sa iba’t ibang tourist destinations sa kanilang bansa.
Maging ang bansang Thailand ay nagbawas na rin ng documentary requirements para sa mga turista, habang sa Thailand ay naging mas malawak ang naging aksyon bilang pagresolba sa epekto ng pandemya. Nabatid na liban sa pagluluwag sa mga restriksyon, nagpatupad din sila ng wage support sa loob ng tatlong buwan para sa kanilang mga manggagawa sa sektor ng turismo at aviation industry.
Dito naman sa Pilipinas, binawi na rin natin ang 2-year ban sa foreign travelers kaya’t mahigit 200,000 visitors ngayong taon ang nakapasok sa bansa. Resulta: tumaas ng 130 porsyento ang ating passenger arrivals kumpara sa kaparehong panahon nang nakalipas na taon.
Ang muling pagbuhay sa sektor matapos ang dalawang taong pagsadsad ay siguradong napakahabang proseso. Sa pamamagitan kasi ng muling pagbangon sa turismo ay unti-unti ring mapagagalaw ang ating ekonomiya.
Lahat ng ahensya, partikular ang SBCorp at ang Department of Tourism ay kailangang makipag-ugnayan sa mga business operators na nangangailangan ng tulong upang muling mapalakas ang kanilang operasyon at mabalik sa normal na galaw sa lalong madaling panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com