ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | June 25, 2022
Plano ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na ipa-repaso sa Department of Education sa ilalim ng bagong Education Secretary at VP-elect Sara Duterte ang programang K-12 ng gobyerno.
Sa totoo lang, pabor tayo rito, gayundin ang ilang kasamahan natin sa Senado, tulad nina Sens. Win Gatchalian at Chiz Escudero.
Pero para mas malinaw — hindi hangarin dito na baklasin ang K-12 program, kundi rebyuhin at mas mapahusay ang implementasyon nito. At siyempre, para mabigyan din ng sapat na pondo.
Dapat masilip kung natupad ba ang mga pangako ng programa, tulad ng pagkakaroon ng maayos na Science track or Arts and Sports track para sa mga nasa Grades 11 and 12. Sa totoo lang, hindi ‘yan nakikita sa iba’t ibang bahagi ng bansa kaya panahon na talaga para repasuhin ang pagpapatupad ng K-12.
Suhestiyon naman ng ating kaibigan at seatmate sa Senado na si Sen. Win, repasuhin din ang isa sa mga pangako ng K-12 na maaari nang makapag-apply ng trabaho ang K-12 graduates. Lahat kasi ng mga kumpanya ay college graduates pa rin ang mas paborable. Nag-aalangan kasi sila sa mga training at antas ng kaalaman ng K-12 graduates.
Maraming kuwestiyon na maaaring masagot sa pagrepaso ng programang ito ng gobyerno sa ilalim ng bagong administrasyon.
◘◘◘
At kaugnay naman sa pansamantalang pag-upo ni President-elect BBM bilang Agriculture secretary, wala tayong nakikitang problema rito. That’s his prerogative. At isa pa, marami rin tayong kasamahan sa Senado na aprub sa hakbang na ito ng susunod na punong-ehekutibo.
Dito kasi, nakikita natin ang sinseridad ng bagong pangulo na lutasin ang mga problemang kinahaharap ng sektor agrikultura, lalo na ang seguridad sa pagkain. Bentahe ito sa agriculture department dahil posibleng mas magiging madali na sa ahensya na makuha ang suporta ng gobyerno, lalo na pagdating sa pondo.
At umaasa rin tayo na ang mga ahensya na nasa ilalim ng pangasiwaan ng DA ay makipagtulungan din sa bagong pangulo para masigurong mailigtas natin ang agriculture sector mula sa krisis na pinagdaraan nito ngayon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com