ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 20, 2022
Noong kabataan at kalakasan ng ating mga nakatatanda, tulad ng mga magulang ng inyong lingkod, ang inyong lolo at lola o kung sino pa mang senior members ng pamilya, naging malaking bahagi sila sa pagpapalakas ng ating ekonomiya. Naging malaking ambag sila sa pagpapaunlad ng lipunan.
Ang nakalulungkot — meron tayong indigent senior citizens — mga nakatatandang nagdarahop, walang masandigan o maasahan at walang natatanggap na tulong mula sa mga kaanak o maging sa pamahalaan.
Kamakailan, nag-lapse into law o awtomatiko nang naging batas ang Senate Bill 133 na napagtibay bilang Republic Act 11916 na naglalayong itaas ang social pension ng ating indigent seniors. Ang ibig sabihin, kung dati ay tumatanggap lamang sila ng P500 kada buwan, ito ay itinaas na sa P1,000 o nangangahulugang P12,000 sa buong taon.
Ang social pension for indigent seniors ay bahagi ng Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizen’s Act of 2010 na amended version naman ng Senior Citizen’s Act o RA 7432. Mas kilala ito sa tawag na Angara Law dahil ang orihinal na awtor ng batas ay ang aking namayapang ama, si dating Senate President Edgardo Angara. Ang dalawang batas na nabanggit ay pawang likha ni dating senador Ed Angara.
Isinasaad ng RA 9994 na mabigyan ng diskwento ang ating seniors sa kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng gamot at exempted din sa mga ipinapataw ng value-added tax o VAT.
Masasabing indigent ang senior citizen kung siya ay iginugupo na ng karamdaman, napakahina na ng pangangatawan at wala nang kakayahang makapagtrabaho; kung sila ay may kapansanan, walang anumang pension mula sa SSS o GSIS, walang natatanggap na tulong-pinansyal mula sa gobyerno o sa mga pribadong ahensya, walang pinagkakakitaan, walang kompensasyon at walang anumang tulong na natatanggap sa mga kaanak nito. Base ito sa paliwanag ng Department of Social Welfare and Development na siyang mangangasiwa sa guidelines o sa pagpapatupad ng RA 11916.
Maging ang Department of Trade and Industries, may hakbang ding palawigin hanggang sa online stores ang ipinatutupad na discounts para sa ating seniors.
***
At napag-uusapan na rin lang natin ang pangangalaga sa ating senior citizens, may karampatang parusa, tulad ng pagkakulong ng ilang buwan ang mga mapatutunayang nagpabaya, nang-abuso at nagkakait ng suportang-pinansyal sa ating mga nakatatanda.
'Yan ang nilalaman ng isinusulong nating panukala sa Senado, ang Anti-Senior Citizens Abuse Act na naglalayong protektahan ang ating mga lolo at lola.
Sa ating panukala, ituturing na isang uri ng pang-aabuso ang pagpapabaya sa kanilang sitwasyon, tulad ng pagkakait sa kanila ng pagkain, tirahan, healthcare at anumang uri ng proteksyon.
Ituturing namang economic abuse sa senior citizens ang pagbawi sa kanilang financial support, ang pagkontrol, ang hindi awtorisado at maling paggamit ng kanilang pera at ari-arian.
Psychological abuse naman ang pagbibitaw sa kanila ng masasakit na salita, tulad ng pagmumura, pang-iinsulto, pananakot, pamamahiya, harassment at social isolation o ang pagkakait sa kanila ng kalayaang makalabas at makipag-usap sa ibang tao. Ang mga kaanak na mapatutunayang gumagawa ng mga naturang pang-aabuso sa senior citizen ay maaaring makulong nang mula isa hanggang anim na buwan. Ang hindi kaanak na mang-aabuso sa nakatatanda ay papatawan ng maximum penalty.
Hindi kikilalanin ang mga rason na lasing o naka-droga ang isang taong mang-aabusong pisikal at seksuwal sa senior citizen at maaaring makasuhan nang naaayon sa batas.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com