ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | April 22, 2023
Kilala ang mga Pilipino na mapagkalinga sa kanilang mga nakatatanda. Halimbawa na r’yan ang kaugalian nating isama pa rin sa ating sariling pamilya ang ating mga magulang, lalo na kung sila ay talagang alagain na o may mga karamdaman.
Pero dumarating ang mga pagkakataon na nakakaranas ng hindi kaiga-igaya ang ating mga lolo’t lola – ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso tulad ng panloloko o pananamantala sa kanilang pagtitiwala.
Sa mga usaping nakarating sa National Bureau of Investigation (NBI) na kinasasangkutan ng senior citizens, lumalabas na sila ngayon ang pangunahing target ng mga scammer, lalo na sa mga online activities.
Isa sa mga kasong ito ang tungkol sa isang 67-anyos na lola na nabiktima ng “love scam.”
Natangay mula sa kanya ang may P8 milyon matapos siyang mahulog sa panloloko ng nagpanggap na manliligaw mula sa internet. Nagkakilala ang dalawa sa online chats, kung saan dumating ang pagkakataon na lubos nang nagtiwala ang matandang babae at nagbibigay na ng pera sa kanyang “online boyfriend” na nanghihingi sa kanya ng pera.
Ginagamit din ngayon ng mga scammer ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan gumagawa sila ng pekeng DSWD website at naglalabas ng mga pekeng impormasyon tungkol sa kanilang mga pensyon na kinakagat naman ng mga nabibiktimang senior citizens.
At dahil agad itong natuklasan ng NBI at DSWD, nais natin iparating sa kanila ang malaking pasasalamat at papuri dahil nabisto na nila ang mga panlolokong ito bago pa lumala at dumami ang mga nabibiktima.
Sa ulat ng dalawang ahensya, naging talamak ang scamming activities na ito sa ating seniors sa kasagsagan ng pandemya. Dahil may access sa teknolohiya at ICT ang mga scammer na ito, nagagawa nilang makapanloko sa internet.
Liban sa scamming, iba’t ibang pang-aabuso rin ang nararanasan ng mga nakatatanda, tulad ng physical and verbal abuse, pangmamaliit sa kanila dahil sa kanilang katandaan, at pagpapabaya.
Ang masakit dito, base sa 2004 report ng Commission on Human Rights, ang madalas na nagpapabaya at umaabuso sa mga lolo’t lola ay mismong kanilang mga kapamilya.
Dahil sa pangyayaring ito at para maresolba ang ganitong suliranin, inihain natin sa Senado ang Senate Bill No. 639, na naglalayong pangalagaan at protektahan ang ating seniors laban sa anumang uri ng pang-aabuso. Nasasaad sa ating panukala ang mga kaparusahan na ipapataw sa mga mapapatunayang nanamantala o nagmamalupit sa ating mga nakatatanda.
Sa ilalim ng ating bill, ipinanukala natin ang pagkakaroon ng isang Senior Citizen Help Desk sa bawat barangay upang agad na makapagbigay ng kaukulang tulong sa ating elders na dumaranas ng pang-aabuso.
Ang DSWD naman, kaakibat ang LGUs ay inaatasang magkaloob ng pansamantalang matutuluyan sa mga biktima at isailalim ang mga ito sa counselling, psycho-social services and recovery, rehabilitation programs at tulong pangkabuhayan kung kinakailangan.
Hinding-hindi natin mapapalampas ang mga ganitong pangyayari. Respeto, pagmamahal at pangangalaga ang kailangan ng ating mga nakatatanda at hindi pang-aabuso. At bilang lingkod-bayan, siguraduhin nating masosulusyunan ang problemang ito, at masiguro ang kanilang kaligtasan at mapahalagahan ang kanilang kapakanan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com