ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | May 20, 2023
Kamakailan, nagdeklara ang World Health Organization (WHO) na hindi na maikokonsiderang public health emergency sa buong mundo ang COVID-19. Tayo namang mga tao, halos magdiwang at natuwa dahil sa wakas, wala na tayong inaalalang karamdaman. Ang karamdamang ito ang nagpahirap sa tao, hindi lang sa aspetong pangkalusugan kundi maging sa usapang pangkabuhayan. Marami ang mga trabahong nagsara, at maraming manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay.
Hindi natin malilimutan na isa tayo sa mga lubhang tinamaan ng karamdamang ito noong 2020.
Hindi natin maiwasang matakot noon dahil sino nga ba naman ang hindi mag-iisip?
Napakaraming pumanaw dahil sa COVID-19, at masasabi nating kahit paano, masuwerte pa rin tayong nakaligtas sa karamdamang ito at malaki ang pasasalamat natin sa Diyos dahil ang inyong lingkod ay Kanyang ginabayan. Masuwerte rin ako dahil sa aking supportive family, sa aking maybahay, sa aking ina at mga kapatid, at siyempre, sa mga kaibigang regular na nangungumusta at dumadalangin sa aking agarang paggaling. Sa lahat ng ito, pasalamatan din natin nang malaki ang mga nagbubuwis-buhay nating doktor, nurses at iba pang frontline health workers. Hindi nila inalintana ang panganib, makapagligtas lang ng buhay. Sila ang mga bayani ng ating henerasyon.
Selfless at punumpuno ng malasakit sa mamamayan. Maraming-maraming salamat sa inyo.
Kaugnay sa pahayag ng WHO na tapos na ang tinatawag na emergency status sa buong mundo, nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) sa pangunguna ni DOH OIC Ma. Rosario Vergeire, bagama’t nagpahayag ng ganu’n ang WHO, hindi pa rin dapat maging kampante. Ang ginawa lang aniya ng WHO ay baklasin ang ‘health emergency status’ sa pandaigdigang estado, pero hindi nangangahulugang tapos na ang pandemya. Hindi sinabing, “COVID pandemic is over,” iba ‘yan sa sinabing inalis ang public health emergency status.
Sabagay, kahit paano ay nakakabangon na ang ating ekonomiya at may mga bansa nang nagbalik-sigla ang kanilang kabuhayan. Dito sa atin, makikita ninyo na bukas na ang mga establisimyento, regular o normal na ulit ang operasyon ng mga sangay ng gobyerno, paaralan, transportasyon, turismo atbp., ibig sabihin, balik-normal na talaga.
Sa usaping turismo na ikinokonsiderang isa sa bumubuhay sa ekonomiya ng isang bansa, mula Enero hanggang Marso ngayong taon, nakapagtala ang Department of Tourism (DOT) ng mahigit 1 milyong tourist arrivals. Sabi nga nila, unang bagsak ‘yan para maabot ang year-end target na 4.8 million arrivals. Noong nakaraang taon, pumalo ang tourist arrivals sa 2.65 milyon kung saan kumita ang turismo ng higit P200-B.
Maganda na kahit paunti-unti ay bumabangon tayo, at least, bumabangon. Pero sana lang, ‘wag pa rin tayo maging kampante. Hindi pa tapos ang pandemya, hindi pa tapos ang COVID. Kung nakikita o nababalitaan ninyo sa mga pahayag, telebisyon at social media, napakabilis na naman ng pagtaas ng bilang ng mga COVID-infected Pinoys.
Noong nakaraang linggo, nag-ulat ang DOH na halos 13,000 kaso na naman ng COVID infections ang naitala. Ibig sabihin, tumaas nang 31% ang daily infections. Mabilis, mga kababayan, at nakakalungkot dahil nitong huling araw, umabot sa halos 16,000 ang infected cases. Ito ang pinakamataas na bilang mula Enero ngayong taon. Ang ICU utilization rate, ayon sa DOH ay umabot na sa 18.8%, habang ang mga non-ICU utilization rate ay nasa 21.7%. Pinakamataas ang bilang ng mga infected sa NCR, sinundan ng Calabarzon, Central Luzon, Western Visayas at Bicol.
Base sa pahayag ng OCTA Research Group, ang Omicron subvariant na Arcturus ang posibleng dahilan ng napakabilis na pagdami ng COVID cases. Ang variant na ito ay nakakalusot umano sa ating immune system at mas malakas makahawa. Gayunman, naniniwala ang OCTA na sa kabila nito, maaaring hindi natin muling sapitin ang critical levels sa health care utilization.
Sana nga. Let's keep our fingers crossed.
Lahat tayo ay saksi sa pahirap na ginawa ng COVID-19, tatlong taon na ang nakararaan.
‘Yun ang mga panahong kulang pa ang kaalaman ng karamihan sa panganib ng COVID, kaya dumami ang bilang ng mga apektado at namatay sa iba’t ibang sulok ng daigdig.
Sana ay natuto na tayo dahil hindi na natin kakayanin pa kung mauulit ang mga panahong ‘yun. Hindi na kakayanin pa ng ating bansa, ekonomiya at vulnerable sectors.
Ituloy lang natin ang pag-iingat. Wala namang mawawala kung palagi lang tayong magsusuot ng face mask, maging malinis sa katawan, maging mapagmatyag at huwag manatili sa mga lugar kung saan siksikan ang mga tao. Walang masama kung patuloy tayong sumunod sa health protocols dahil para ito sa ikabubuti nating lahat.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com