ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 24, 2024
Para saan ba talaga ang State of the Nation Address o SONA ng Pangulo?
Sa dinami-dami ng mga pangulo na nakilala ko, marami na rin ang ating karanasan sa kani-kanyang SONA. Dahil dito, maaari na rin akong makapagbigay ng tinatawag na “opisyal” na mensahe at ang ‘di opisyal na epekto ng mensahe ng SONA.
Sa nakaraang halos pitong dekada ng ating buhay, naranasan natin at narinig ang ilan sa mga SONA ng 11 presidente. Mula kina Ramon Magsaysay Sr. (1953-1957); Carlos P. Garcia (1957-1961); Diosdado Macapagal (1961-1965); Ferdinand Marcos (1965-1986); Corazon Aquino (1986-1992); Fidel V. Ramos (1992-1998); Joseph E. Estrada (1998-2001); Gloria Macapagal Arroyo (2001-2010); Benigno Aquino (2010-2016); Rodrigo Duterte (2016-2022) at Bongbong Marcos (2022-present).
Isa sa mahalagang papel ng presidente ay ang pamamahayag. Araw-araw maririnig, mapapanood at mababasa ang mga sinasabi, ginagawa at sinusulat ng presidente. Mahalagang pansinin ang mga ito, hindi dahil totoo lahat ito kundi kailangang sinupin, suriin at kilatisin ang lahat ng sinasabi, ginagawa at isinusulat upang malaman kung ano ang totoo at hindi. Maaari bang magsinungaling ang presidente? Ibahin natin ang tanong at baka mas madaling sagutin ito. Lagi bang nagsasabi ng katotohanan ang presidente? O kaya naman, maaari bang magkalat ng kasinungalingan sa halip na magpahayag ng katotohanan para sa kapakanan ng lahat.
Narinig natin ang SONA ni PBBM nitong Lunes, Hulyo 22, 2024. Ang nilalaman ba ng SONA ng Presidente sa taong ito ay ang gustong marinig ng karamihan ng mga mamamayan?
Ayon sa mga survey, inaasahan ng marami ang malinaw na paliwanag sa kalagayan ng ating ekonomiya. Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng estado ng ating ekonomiya? Lumulubog ba o umaangat tayo? Konektado rito ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng lahat ng bilihin. At siyempre may kaugnayan din ang paglikha ng mga iba’t ibang uri ng hanapbuhay.
Batay sa mga eksperto, kabuhayan at ekonomiya pa rin ang higit na mahalaga para sa karamihan.
Meron tayong nabasang ilang mga pagsusuri na nagbigay ng mataas o pasadong grado sa Presidente. Bumubuti raw ang ekonomiya at bumababa raw ang inflation. Bumaba din daw ang tariff o buwis sa imported na bigas. Maayos daw ang ilang mga bagong appointees tulad nina DepEd Sec. Sonny Angara at DA Sec. Tiu Laurel. Pananaw ito ni Gary Teves, dating Finance secretary sa ilalim ni PGMA.
Para sa atin, huwag na nating masyadong kumplekahin ang usapan. Balikan na lamang natin ang ipinangako ni Pangulong Bongbong noong bagong halal pa lang siya. Sinabi niyang magiging P29 ang kilo ng bigas. Naipahayag nga niya ito, ngunit merong mga nagsasabi na nagkamali siya ng tunay niyang gustong sabihin. Sa halip na magbawas o bumaba ay tumaas pa ang presyo ng bigas sa ating bansa na umaabot na P60 kada kilo nito.
Subalit, gaano kahalaga ang mga sumusunod na isyu? Una, ang mga POGO at ang iba’t ibang krimen na nagaganap sa loob ng mga ito. Pangalawa, ang patuloy na panghihimasok ng China sa ating karagatan. Pangatlo, ang paglala ng korupsiyon at pang-apat, ang kapansin-pansin na bangayan ng mga trapo na makikita sa away ng mga Marcos at Duterte.
Kumusta naman ang SONA ng kasalukuyang administrasyon para sa publiko? Mahirap na suriin ang mga SONA ng pangulo. Sinisikap nitong maging iba kung hindi kabaligtaran ng pagbibigay ng SONA ng nakaraang administrasyon. Laging mahinahon at hindi pala-away ang tinig ng Presidente. Mahusay ang Ingles nito ngunit, mahirap lang hanapin ang lalim at laman ng kanyang sinasabi.
Sa huli, sa dinami-dami ng mga nagdaang presidente at ang kani-kanilang SONA, ano ang kapansin-pansin? Hindi ba ang “fashion show” ng mga kababaihang naka-terno at ang kalalakihang naka-barong? Meron pang nagsaliksik kung magkano ang ginastos sa pagkain pagkatapos ng SONA. Umuugong ang halagang P20 milyon habang mabilis namang nagpaliwanag ang isang mambabatas na hindi lang pagkain ang nakapaloob dito kundi ang seguridad din na napakahalaga sa anumang SONA.
Ano ba ang mahalaga sa SONA? Damit, pagkain, seguridad, kumpas at hampas ng pananalita. Ano nga ba talaga ang SONA? Sa puntong ito, tanong nga ng marami ang so ano? SONA, ano na?
Panahon na rin siguro para alamin at bantayan ng mamamayan kung ano ang mangyayari at kung matutupad ang lahat ng ipinangako ng nakaupong presidente.