Salaminin natin ang panaginip ni Sarah na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nakakatakot ang panaginip ko dahil takbo ako nang takbo. Bakit madalas na ganito ang panaginip ko?
Naghihintay,
Sarah
Sa iyo Sarah,
Hindi naman masama ang managinip ng takbo nang takbo. Minsan ang pagtakbo ay pagmamadali na makarating sa dulo ng landas ng buhay na makakaharap niya ang katuparan ng kanyang mga pangarap.
Minsan, ang takbo nang takbo sa panaginip ay nagpapayo na dapat magmadali ang nanaginip na ang pahabol na kahulugan ay dagdagan niya ang lakas at sigasig nang sa gayun ay mapabilis ang kanyang tagumpay. Pero dahil ayon sa iyo ay nakadama ka ng takot sa likod ng iyong panaginip, hindi gaanong kagandanhan ang kahulugan nito.
Kapag nanaginip ng takbo nang takbo at takot ang nanaginip, ibig sabihin, siya ay may nagawang kasalanan o pagkakamali sa buhay.
Dahil dito, siya rin ay pinapayuhan na kung kasalanan ang kanyang nagawa, kailangang humingi siya ng tawad sa nagawan niya ng masama. Mahirap gawin ito, pero may ibang bagay na puwedeng gawin at ito ay ang huwag nang uulitin ang kanyang ginawang kasalanan sa mismong tao na nagawan ng kasalanan at huwag nang uulitin ang sa ibang tao.
Dahil ang utos na huwag kang magkasala ay utos ng Diyos, marapat lang na kay God humingi ng tawad. Ang totoo, nasusulat na wala namang kasalanan kung walang kautusan, kaya mahirap mang paniwalaan, ang tao ay sa Diyos nagkakasala dahil si God ang may gawa ng kautusan.
Dahil hindi tao ang gumawa ng kautusan, puwede rin naman na hindi sa tao humingi ng tawad, pero mas maganda kung magagawa mo na humingi ng tawad sa Diyos at tao.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo