top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 30, 2021




Tututukang maigi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) sa NCR Plus, partikular na sa bawat local government units (LGUs) na nagkaroon ng delay at mahabang pila nu’ng nakaraang tranche, batay sa panayam kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya ngayong umaga, Marso 30.


Aniya, “Ang gagawin namin sa DILG is babantayan namin ang mga LGU na ito. Kumbaga, gagawin namin itong mga areas of special concern — 'yung mga mahahaba ang pila, 'yung mga na-late. Kasi mayroon kaming listahan ng mga LGUs na 'yan, na actually 'yung iba niyan, pinadalhan namin ng show cause order, bakit na-delay 'yung pamimigay nila ng Social Amelioration Program. 'Yun ang babantayan natin para sigurado tayo na hindi na maulit ang delay sa pagbibigay ng SAP sa kanilang mga constituents."


Paliwanag pa niya, "Pangkalahatan naman last year sa first tranche ng SAP, naiparating naman ang tulong sa ating mga kababayan. But there were, I would admit, some LGUs na nagkaroon tayo ng problema."


Sa ngayon ay aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P22.9 bilyong pondo ng SAP, kung saan inaasahang makakatanggap ng P1,000 ang mahigit 22.9 milyong low-income individuals at hindi naman hihigit sa P4,000 para sa bawat low-income family sa unang linggo ng Abril.


"Kung sa pagpupulong ng mga lokal na pamahalaan, eh, mas madali sa kanila 'yung cash, maaaring gawin nilang cash. Kung hindi naman, bibili sila ng in kind," giit pa ni Budget Secretary Wendel Avisado. "Kapag in kind ang ibinigay sa LGUs, mahihirapan po tayong makapila sa DSWD para maka-deliver. Kung ida-download ang pera, meron po tayong direct purchase. Mas maganda po kung pera ang ibibigay sa LGU," suggestion naman ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 19, 2021




Sinuspinde nang anim na buwan ng Office of the Ombudsman ang 89 barangay captains dahil sa umano'y anomalya sa distribusyon ng cash aid sa ilalim ng social amelioration program o SAP.


Sa ginanap na press briefing nu'ng Lunes nang gabi ay isa-isang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 89 kapitan ng barangay.


"Itong mga barangay captain, I warned you, pag-umpisa pa lang sinabi ko, do not f*** with this Pantawid, iyong panahon ng COVID na namigay ang gobyerno ng pera para sa mahihirap.


Sinabi ko na lalo na sa barangay level, huwag na huwag ninyong gawin. Now, ito, suspendido for six months, then mag-hearing sa kaso mo. If a case is filed against you kasi pera ito, either pera na binulsa ninyo or hindi ninyo ginamit o ano mang kabulastugan na ginawa ninyo sa pera, contrary to my injunction na huwag na huwag ninyong gawin iyan.”


Mahigit P200 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa social amelioration program sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act (Bayanihan 1) para sa 18 million mamamayan ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.


Sa ilalim naman ng Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2), aabot sa P5,000 hanggang P8,000 ang natanggap ng mga “low-income households” sa mga lugar na isinailalim sa lockdown, gayundin ang mga pinauwing overseas Filipino workers at mga nawalan ng trabaho.


Nais din ni P-Duterte na sibakin sa puwesto ang mga ito kapag napatunayang sangkot sa korupsiyon.


Aniya, “Ito, preventive lang ito, suspendido kapag iniimbestigahan ka, but at the end of the investigation, if you are good, then you are exonerated. But if you are guilty, I ask, I am asking, requesting, most respectfully requesting the Ombudsman to dismiss them from service...


When they are finally dismissed, it will always carry, it will be accompanied by the statement that they are no longer eligible for public office, iyan ang masakit diyan. Hindi ka na puwedeng tumakbo maski water boy sa barangay n’yo.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page