top of page
Search

ni Mylene Alfonso | April 22, 2023




Inirekomenda ni Senador Risa Hontiveros na ibigay na lang ang mga nakumpiskang smuggled na asukal sa Department of Social Welfare and Development kung saan ipamahagi na lamang nang libre sa mga kapos-palad at biktima ng mga kalamidad.


Ayon kay Hontiveros, ito ay sa halip na ibenta sa Kadiwa stores ang mga nasamsam na smuggled na asukal.


Una nang inihayag ng Sugar Regulatory Administration na binago nito ang mga kasalukuyang regulasyon upang pahintulutan ang pagbebenta ng hindi bababa sa 4,000 metrikong tonelada ng smuggled na asukal sa mga tindahan ng Kadiwa sa buong bansa.


Ang nasabing sugar stocks, na nauna nang nakumpiska sa magkasamang operasyon ng Bureau of Customs at Department of Agriculture, ay ibebenta sa mga konsyumer sa halagang P70 kada kilo.


“Bakit pagkakakitaan pa ang galing sa ilegal? Sa komputasyon ng aking opisina, dapat P65 lang ang presyo ng asukal na imported galing Thailand. Hindi ba ang goal ay magiging abot-kaya ang presyo para sa lahat ng Pilipino? Pero bakit mataas pa rin ang presyo kung ibebenta?,” hirit ni Hontiveros.


Ipinunto ng senador na sa halip na umasa sa smuggled na asukal para mag-suplay sa mga tindahan ng Kadiwa, kailangan lamang umano ng SRA na palawakin ang listahan ng mga traders at industriya na awtorisadong bumili ng sarili nilang mga suplay ng asukal.


Hindi dapat aniya nilimitahan lang sa tatlong “pinaboran” na mga supplier na All Asian Countertrade Inc, Edison Lee Marketing Corporation, at Sucden Philippines.


Dapat din dagdagan aniya ang listahan ng traders at industriya na papayagang mag-angkat ng 450,000 metric tons na gustong ipasok ng SRA sa bansa.


Tulad ng sa mga nakaraang taon, ang mga ito ay makikipagkumpitensya upang mag-alok ng pinakamababang presyo sa merkado, taliwas sa mataas na presyo na idinidikta ng kartel.


Maaari rin palawigin umano ng DA at SRA ang kanilang pakikipagtulungan sa mga stakeholder sa lokal na industriya ng asukal upang mapataas ang ani ng produksyon kahit na sa kasalukuyang panahon ng milling ng asukal - alinsunod sa mga panukala ng mga grupo tulad ng Samahang Industriya ng Agrikultura ( SINAG).


“Hindi pagkunsinti sa smuggling ang sagot sa ating problema sa mataas na presyo ng asukal. Huwag tayong magpadala sa palusot ng mga nais manamantala sa problema sa hapag-kainan ng taumbayan,” pagtatapos ni Hontiveros.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 8, 2021



Malaki ang nagiging epekto ng mga puslit na imported na gulay sa mga magsasaka ng Cordillera Region.


“Malaki ang epekto. Kung tumataas ang presyo ng gulay, yung mga imported bumabagsak sa atin. Yung manggugulay dito sa Cordillera—Benguet, Mountain Province, Ifugao—malaki talaga ang impact nito, lalo na tumataas din ang cost of production," sabi ng kinatawan ng Apit Tako Kordilyera o ang Alyansa Dagiti Pesanta Ti Taeng Kordilyera na si Fernando Bagyan.


“Kaya marami ang nalulugi, liban pa ang epekto ng pandemic na ito. Ang daming regulation. Maraming buyers ang hindi nakakabiyahe po papunta dito. Kaya maraming imbes na maipunta sa market, nabubulok na lang,” dagdag niya.


Pinakaapektado raw dahil sa smuggling ay ang carrots, repolyo, at broccoli.


Pero dahil may mga nakapupuslit pa ring mga imported na gulay, ang mga hindi naibebenta ng mga manggugulay ay tinatapon na lang dahil nabubulok na ang iba, at ang iba naman ay ipinamimigay na lamang.


Matatandaang nagbabala na ang Department of Agriculture sa publiko sa pagbili ng mga imported na gulay na maaring makasama sa kalusugan dahil hindi tukoy ang pesticide at formalin content ng mga ito.

 
 

ni Lolet Abania | June 18, 2021




Aabot sa 21 mamahaling sasakyan ang sinira ng Bureau of Customs (BOC), kabilang na ang isang McLaren 620R na nagkakahalaga ng P33 million sa Port Area, Manila at Cagayan de Oro Port ngayong Biyernes.


Ayon sa mga opisyal ng BOC, ininspeksiyon nilang mabuti ang mga sasakyan bago nila ito winasak sa headquarters ng ahensiya. Nasa pitong mga luxury cars sa Port Area, habang may 14 na gamit nang Mitsubishi Jeeps naman sa Cagayan de Oro Port ang magkasabay na winasak ng BOC dahil sa misdeclaration at hindi pagbabayad ng tamang buwis.




Sa report, hindi umano idineklara sa mga dokumento ang totoong brand ng mga kotse at kung saan ito gawa. Gayundin, dahil ‘misdeclared’ ang mga luxury cars, P3 milyon lamang ang buwis na babayaran sana ng mga importer sa halip na P35 hanggang P40 milyon dapat.


Ayon kay Vincent Maronilla, spokesperson ng BOC, mula sa mga winasak na mamahaling sasakyan, nadiskubre nila ang ganitong paraan ng pagpasok nito sa bansa matapos ang ginawang X-ray inspection.


Aniya, hindi umano tumutugma ang mga deskripsiyon sa papeles at sa mga detalye na lumalabas sa X-ray visual ng mga sasakyan. Sa ngayon, wala pang tugon mula sa mga importers para linawin ang kanilang mga papeles habang hindi pa rin nakikipag-ugnayan ang mga ito sa BOC.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page