top of page
Search

ni Lolet Abania | July 6, 2021


Matapos ang halos pitong buwang libreng nagagamit ng publiko ang 18-kilometer Skyway Stage 3, sisimulan na ng San Miguel Corp. (SMC) ang pangongolekta ng toll fee para rito sa Hulyo 12, 2021.


Sa pahayag ng SMC, ipapatupad na ng kumpanya ang isang revised toll fee matrix kung saan mas mababa ang singil kumpara sa orihinal na inihain nilang toll fees.


Matatandaang inaprubahan ng Toll Regulatory Board noong Marso ang provisional toll rates para sa Skyway 3, kung saan ang pinayagang provisional toll rates ay ang mga sumusunod:

Para sa Class 1 vehicles

• Buendia hanggang Sta. Mesa - P105.00

• Sta. Mesa hanggang Ramon Magsaysay - P30.00

• Ramon Magsaysay hanggang NLEX Balintawak - P129.00

• Buendia hanggang NLEX Balintawak - P264.00


Para sa Class 2 vehicles, ang toll rates ay doble ang rates nito mula sa Class 1 vehicles. Para sa Class 3, ang rates ay triple ang presyo mula sa Class 1.


Ang inaprubahang provisional toll rates ay mas mababa kaysa sa petisyon ng San Miguel na naglalaro sa halagang P110 hanggang P274.


Ayon sa SMC, ang TRB ay nag-isyu na ng Toll Operating Permit at Notice to Start Collecting Toll para sa Skyway 3 at maaari na silang maningil sa mga motoristang gagamit nito.


Subalit ilalabas ng kumpanya, sa pamamagitan ng kanilang SMC Infrastructure, ang pinal na inaprubahang toll rates sa mga toll plazas bago pa magsimula ang pangongolekta ng toll.


Gayunman, sinabi ni SMC President at Chief Operating Officer Ramon Ang na ang revised toll matrix na inaprubahan ng TRB ay ibinase sa nararanasang pandemya at ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa at sa mga Pilipino.


“We thank the TRB for helping us determine the most equitable toll rates for our motorists. We know from experience that times are hard for many, and even a little relief for motorists can go a long way. These toll rates reflect our deferral of the collection of a substantial amount of the cost to build Skyway 3. We also further lowered the rates for those traveling shorter distances,” ani Ang.

 
 

ni Lolet Abania | January 13, 2021





Ganap nang bubuksan para sa mga motorista ang lahat ng pitong lanes ng 18-kilometer Skyway Stage 3 Elevated Expressway na nagdurugtong sa South Luzon at North Luzon expressways sa Biyernes, January 15, 2021.


Sa isang statement na inilabas ng San Miguel Corp. (SMC), ang nasabing expressway ay isasara mula alas-10:00 ng gabi ng January 13 hanggang January 14 para sa kabuuang inspeksiyon, set-up at paghahanda sa pagbubukas nito.


Ang buong expressway ay magbubukas sa lahat ng motorista simula alas-5:00 ng umaga ng January 15.


"We ask for the kind understanding of motorists, as we prepare to officially open Skyway 3. Following the opening, motorists will be able to experience the benefits of all seven lanes and all the features of this game-changing expressway that will reduce travel time from SLEX to NLEX and vice-versa, to only 30 minutes. It will also help decongest traffic on EDSA and many parts of Metro Manila," ayon sa pamunuan ng Skyway.


"Skyway 3 will remain toll-free until January 29, and we look forward to welcoming our motorists, and letting them experience seamless travel," dagdag ng kumpanya.

Ang SMC ay kumpanya ng CITRA Central Expressway Corporation (CCEC) na nagsasagawa ng P44.86-billion Skyway Stage 3 project.


Ito ay konstruksiyon ng 18.83-km elevated expressway mula Buendia, Makati City hanggang NLEX sa Balintawak, Quezon City. Gayundin, ang nasabing proyekto ang magdurugtong sa SLEX at NLEX, kung saan mababawasan na ang travel time ng mga motorista na bumibiyahe ng Buendia patungong Balintawak ng 15 hanggang 20 minuto.

 
 

ni Lolet Abania | November 23, 2020




Iniutos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Lunes ang pagpapahinto ng trabaho sa Skyway extension project upang magbigay-daan sa gagawing imbestigasyon sa nangyaring aksidente noong Sabado na ikinamatay ng isa, habang apat ang sugatan at ikinasira ng anim na sasakyan dahil sa bumagsak na steel girder.


Ayon kay DOLE Spokesman Rolly Francia, nakasaad sa inilabas na order ng DOLE-National Capital Region ang pagpapatigil sa konstruksiyon ng buong proyekto, mula sa Susana Heights sa Muntinlupa City hanggang sa Sucat sa Parañaque.


“Ang pagpapahinto po ng construction ay ipinag-utos upang mabigyang-daan ang imbestigasyon upang malaman kung may mga violation na nagawa o na-commit sa construction site at upang alamin din ano ang hawak na lisensiya ng mga contractors at subcontractors at kung may paglabag sa labor and safety standards,” sabi ni Francia.


Inisyu ang order para sa contractor na EEI Corp. at kanilang subcontractors, kung saan inisyal lamang na sinagot nito ang gastos ng aksidente sa site na nasa Muntinlupa City.

“Both the northbound and southbound leading to Susana Heights kaya 'yun ‘yung hinihintay nating bagong order this afternoon,” sabi ni Francia.


Sinabi pa ni Francia na mananatili ang suspensiyon hanggang sa bawiin na ito ng regional office at matapos ang imbestigasyon sa insidente.


Samantala, ang extension project ay inisyal na makukumpleto sa December ngayong taon, kung saan nagdagdag ng dalawang northbound lanes at tatlong southbound lanes na target sanang matapos ang proyekto sa February 2021, subali’t ipinatigil dahil sa naganap na aksidente.


Magkakaroon ito ng direct connection sa Skyway 1, 2, at 3, at magagamit ng mga motorista mula sa south patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Makati, Manila, San Juan, Quezon City at sa North Luzon Expressway (NLEx) na hindi na dadaan pa sa Alabang at EDSA.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page