ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 6, 2021
Pinalagan ng Department of Labor and Employment ang diumano'y “no vaccine, no work” policy ng ilang establisimyento. Pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III, "‘Yung no vaccine, no work, illegal 'yan, bawal ‘yan."
Hindi umano maaaring pilitin ang mga manggagawa na magpabakuna laban sa COVID-19 kung ayaw nila. Saad ni Bello, "Kaya wala pong ganyang patakaran. Kung sino man 'yung employer na gumagawa niyan, alam niya na mali ang ginagawa niya."
Ipinagbigay-alam ng Associated Labor Union (ALU) sa DOLE ang natanggap nilang hinaing ng mga manggagawa lalo na ang mga hotel, restaurant at BPO workers na diumano'y inoobliga silang magpabakuna.
Pahayag ni Alan Tanjusay, spokesperson ng ALU-Trade Union Congress of the Philippines, "Meron tayong tinatawag na Anti-Discrimination Law.
‘Yung discrimination ay iba-ibang klase na porma at uri ngunit sa aming paningin, isa itong uri ng discrimination. "So, kung mayroong magrereklamong manggagawa, tutulungan naming magsampa ng kaso."