ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | March 31, 2021
Dear Sister Isabel,
Nagpapasalamat ako dahil nagkaroon kayo ng column dito sa BULGAR tungkol sa buhay at pag-ibig. Matagal nang may gumugulo sa isip ko, subalit wala akong mapagsabihan.
Ang problema ko ay tungkol sa asawa kong nagloloko sa kasalukuyan. Masaya at panatag ang pagsasama namin mula nang kami ay ikinasal, limang taon na ang nakalilipas. Pero kamakailan ay napansin ko na matabang na ang pagtingin niya sa akin at hindi tulad noon na punumpuno ng sigla at palagi siyang nakangiti ‘pag dumarating sa bahay.
Minsan ay sinubukan ko siyang sundan at nagulat ako sa aking natuklasan na may kabit siya at ibinahay na niya. Inaway ko siya at nagalit ako nang todo. Kinompronta ko siya at hiningan ng paliwanag, subalit hindi niya ako pinansin at kusa siyang umalis.
Ngayon, paminsan-minsan na lang siya umuwi sa bahay at doon na siya natutulog sa babae niya. May tatlo kaming anak na musmos pa at wala silang kamalay-malay sa pambababae ng ama nila. Ano ang dapat kong gawin?
Gumagalang,
Josie ng Dagupan City
Sa iyo, Josie,
Ang buhay may asawa ay sadyang ganyan. Darating at darating ang panahon na magkakatabangan ang pagtingin ng bawat isa hanggang sa tuluyan nang maghiwalay gaya ng nangyari sa buhay mo. Huwag kang mabahala dahil karaniwan na sa lalaki ang nangangaliwa, subalit pansamantala lamang ‘yun. Babalik at babalik siya sa tunay niyang pamilya at mare-realize ang kanyang pagkakamali.
Umupo ka sandali at tanungin mo ang iyong sarili, “Saan ba ako nagkamali?” “Ano ba ang dapat kong baguhin sa ugali ko?” “May pinagbago na ba ang katawan ko?”
Kapag natagpuan mo na ang mga kasagutan, taimtim kang magdasal. Hilingin mo sa Diyos na bumalik sa piling mo ang iyong asawa. Hindi natutulog ang Diyos dahil makikita mo na isang araw, katabi mo na ang asawa mo, nagsisisi sa kanyang nagawa at nangangakong hindi na muli siyang matutukso sa iba.
Sa pagkakataong ‘yan, sikapin mong maging mas malambing at maunawain. Igalang mo ang iyong asawa at bigyan ng pagkakataon na muli niyang ipadama sa iyo ang dating tamis ng pag-ibig. Gayundin, ipadama mo sa kanya ang pagrespeto. Hayaan mong madama niya na siya ang boss ng tahanan at hindi sunud-sunuran lang. Panatilihin mo rin ang pagiging maaalalahanin sa lahat ng kanyang pangangailangan. Sa ganyang paraan, tiyak na babalik ang init ng kanyang pag-ibig at hindi na kailanman matutukso sa ibang babae.
Matapat na sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo