ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | April 12, 2021
Dear Sister Isabel,
Overseas contract worker ako, biyuda at may tatlong anak. Nabuntis ako ng kasamahan ko sa trabaho, pero may asawa at tatlong anak na siya.
Tama bang umiwas na lang ako sa kanya, magpakalayu-layo at buhayin na lang nang nag-iisa ang anak namin? Ayokong mawasak ang pamilya niya dahil sa akin. Gayundin, ayokong maging kabit niya habambuhay at makihati sa kanyang pagmamahal. Tama ba ang pasya ko?
Gumagalang,
Gertrudes
Sa iyo, Gertrudes,
Sa aking palagay, tama ang iniisip mo. Makabubuting lumayo ka na lamang sa lalaking nakabuntis sa iyo sa dahilang may asawa mga anak na siya. Kung nabuntis ka niya sa kabila ng may pamilya na siya, may posibilidad na makabuntis ulit siya ng iba, kaya huwag mo nang hayaang humantong pa sa ganu’n ang relasyon n’yo.
Lahat tayo ay nagkakamali sa buhay, subalit lahat din ay may pagkakataon na itama ang kanyang pagkakamali at lumagay sa tamang landas ng buhay.
Humingi ka ng tawad sa Diyos at hingin ang kanyang tulong at patnubay. Bumalik ka sa iyong mga magulang at mamuhay nang tahimik. Batid kong walang ibang makakaunawa sa iyo kundi ang mga magulang mo. Huwag kang mag-alala dahil nararamdaman kong makakaraos ka sa problemang napasukan mo.
Paalala, huwag na huwag mong ilalaglag ang bata sa sinapupunan mo dahil regalo ng Diyos sa iyo ang batang ‘yan. ‘Ika nga, every child being born is a gift from God. They are children of God. Instrumento lamang ang sinapupunan mo, kumbaga, ginamit lamang ito upang isilang ang isang bata na nakaprograma na sa mundo ang buhay na sasapitin, kung saan Diyos lamang ang nakaaalam at ito ay para sa sangkatauhan. Sana’y maunawaan mo ang ibig kong sabihin. Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Diyos na dakila.
Matapat na sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo