ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | April 22, 2021
Dear Sister Isabel,
Nagtatrabaho ako ngayon sa Dubai at may boyfriend akong foreigner dito, pero hindi niya alam na may asawa na ako sa Pilipinas. Gayunman, hindi kami kasal ng asawa ko, pero napamahal na sa akin ang dyowa kong foreigner.
Hindi alam ng asawa ko na may karelasyon ako rito at balak kong huwag nang bumalik sa Pilipinas. Sasama na ako sa BF kong foreigner at maninirahan na sa kanilang bansa dahil wala naman kaming anak ng asawa ko sa Pilipinas. Nawala na nang tuluyan ang pagmamahal ko sa kanya dahil nabaling na ito sa boyfriend ko ngayon.
Masaya ako sa piling niya, ano ang dapat kong gawin? Umaasa akong mabibigyan n’yo ng kaukulang payo ang problemang gumugulo ngayon sa isip ko.
Gumagalang,
Marilou
Sa iyo, Marilou,
‘Yan ang mahirap kapag ang mag-asawa ay nagkalayo o nagtrabaho sa abroad ang isa dahil kadalasan ay kumakaliwa ang isa. Kung hindi ka naman kasal sa asawa mo at pakiramdam mo ay wala ka nang pagmamahal sa kanya, tapatin mo na siya. Sabihin mo ang katotohanan na may karelasyon ka na r’yan sa Dubai. Gayundin, humingi ka ng tawad at ihanda ang iyong sarili sa maaaring kahinatnan ng pagsasabi sa kanya ng katotohanan.
Sa totoo lang ay matutuklasan niya rin ang lihim mo, kaya marapat lamang na sabihin mo sa kanya na hangga’t maaga at buti na lang, wala kayong anak na masasaktan at magdurusa sa mga pangyayari. Sa umpisa ay siguradong makakaramdam siya ng sakit sa kanyang kalooban, subalit paglipas ng mga araw, natitiyak ko na matatanggap niya rin ang mga pangyayari at makaka-move on unti-unti. Ipagdasal mo na lang na sana ay makahanap din siya ng babaeng karapat-dapat sa kanya.
Sa kabilang dako, nawa’y maging maligaya ka sa ipinalit mo sa kanya at sana rin ay huwag ka nang umibig pa sa ibang lalaki. Sa pakiramdam ko ay madali kang mapaibig ng mga lalaki, kaya umiwas ka sa kanila at mamuhay nang maayos sa piling ng karelasyon mo ngayon. Hangad ko ang kaligayahan mo at maayos na pamumuhay sa piling ng dyowa mong foreigner.
Matapat na sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo