ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 09, 2021
Dear Sister Isabel,
Masakit man sa aking kalooban, nagawa kong iwanan ang tatlo kong anak na pawang musmos pa sa puder ng aking ina at mga kapatid upang magtrabaho sa kaibigan ko na nangailangan ng yaya para sa bagong silang niyang anak. Taga-Bulacan ako, pero ngayon ay nandito sa Palawan at namamasukan bilang yaya, gayundin, biyuda ako at wala nang maaasahan pa.
Ayos naman ang trabaho, pero napansin kong may gusto sa akin ang amo kong lalaki na asawa ng kaibigan ko. Minsan ay kami lang ang naiiwanan dito sa bahay at may nangyari sa amin. Hindi ko siya napigilan at nakagawa kami ng hindi nararapat. Hindi namin ipinahalata sa misis niya na may lihim kaming ugnayan.
Alam kong mali ito at balang-araw ay mabibisto kami ng kaibigan ko. Hindi ko naman maiwan ang trabaho ko dahil malaki ang sahod ko at may pagtingin din ako sa amo ko kahit bawal ang relasyon namin.
Sa ngayon, palagi akong kinakabahan at gusto ko nang magresign bago matuklasan ng misis niya ang aming relasyon. Nawa ay mapayuhan n’yo ako ng nararapat gawin upang matapos na ang maling pag-ibig na napasukan ko. Hindi ko kasi alam ang tamang diskarte upang malusutan ko ang problema kong ito. Umaasa akong matulungan n’yo ako sa lalong madaling panahon.
Gumagalang,
Beverly ng Bulacan
Sa iyo, Beverly,
Hindi ka na bata upang hindi malaman kung ano ang tama at mali. Maliwanag pa sa sikat ng araw na maling-mali ang pinasok mong relasyon sa asawa ng kaibigan mo na siyang kumuhang yaya sa iyo. Gumising ka at huwag magpadala sa simbuyo ng iyong damdamin. Umalis ka na r’yan bago pa lumala ang lahat. Ang nararamdaman mo ay hindi pag-ibig kundi tawag ng laman. Umiwas ka na sa ganitong sitwasyon at magbagong buhay. Umuwi ka na sa inyo at mamuhay sa piling ng mga anak mo dahil kailangan nila ang gabay mo.
Naniniwala ako na makatatagpo ka ng pagkakakitaan kung talagang pagsisikapan mong maghanap d’yan sa inyong lugar. Humingi ka ng tawad sa Diyos sa nagawa mong kamalian sa buhay at sikaping huwag na itong maulit pa. Ang Diyos ay palaging nakaalalay sa sinumang tumatahak sa tamang landas ng buhay. Tumawag ka sa Kanya at taimtim na manalangin na gabayan ka sa pagpapasya at pagtataguyod sa iyong mga anak na pawang musmos pa.
Harapin mo nang buong tatag ang buhay mo sa kasalukuyan. Magpasalamat ka at may mga magulang at kapatid ka pa na handang umalalay kung kinakailangan. Hangad ko ang kapayapaan ng iyong isipan. Humayo ka at mamuhay nang marangal.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo