ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 21, 2021
Dear Sister Isabel,
Ako ay iniwan ng aking asawa at ipinagpalit sa iba. Bakit ganito ang buhay? Sadyang napakalupit. Tindera ako ng mga gulay, inutang ko ang puhunan, pero hindi ko mabayaran dahil mahina ang benta ko araw-araw at palaging natitira at nalalanta ang aking mga paninda.
Tulad ng nabanggit ko, iniwan ako ng aking asawa dahil sa babae, kaya ngayon ay wala akong maaasahan. Sinikap kong palakihin ang aming tatlong anak. Ang panganay ko ay masipag mag-aral pero nagkasakit siya. May cyst siya sa kaliwang dibdib. Graduation pa naman bago magka-pandemic, pero hindi siya nakatapos dahil sa dami ng kanyang absent. Hirap na hirap na ako at parang isinumpa ako ng tadhana dahil puro hirap ang dinaranas ko.
Isa pa, may sakit ang nanay ko na cancer at siya ay matanda na, ako rin ang tumutulong sa kanya. Nagtataka ako kung bakit ganito ang buhay ko? Napapansin ko rin itong mga tindera ng gulay na katabi ko na maraming bumibili, pero sa akin ay konti lang.
Ano ba itong buhay na sinapit ko? Tulungan at payuhan n’yo ako para maglubag ang aking kalooban. Minsan, naiisip ko nang wakasan ang aking buhay.
Gumagalang,
Carmen ng Obando, Bulacan
Sa iyo, Carmen,
Labis akong nalungkot nang mabasa ang iyong mga problema. Sadyang ang buhay ng tao ay dumaraan sa matitinding pagsubok. Patay lang ang walang problema, ngunit buhay ka pa at patuloy na naglalakbay sa mundong ito. Magpasalamat ka at malakas pa ang iyong katawan. Kung tutuusin, mapalad ka kung ikukumpara sa mga may kapansanan tulad ng mga bulag, pipi, bingi at pulubi na patuloy na nakikibaka sa buhay nang walang reklamo. Sila pa nga ang huwaran ng iba dahil ginagamit nila ang talento sa pagkanta, pagtugtog ng gitara at masayang ibinabahagi ito sa kanilang kapwa. Oh, hindi ba higit kang mapalad kaysa sa kanila?
Simple lang ang buhay, kaya maging mabuti ka sa iyong kapwa. Malinis ang kalooban, walang halong inggit, pagmamayabang, pagkukunwari at higit sa lahat, dapat ay palaging nagdarasal sa Diyos Amang Kataas-taasan na siyang may likha sa lahat ng nilalang. Sa palagay ko ay nakakalimot kang magdasal at hindi nakakapagsimba tuwing Linggo. Taimtim na panalangin nang bukal sa puso ang isang sangkap para pagpalain ka ng Diyos, ilayo sa kapahamakan at bigyan ng masaganang pamumuhay.
Mula ngayon, sama-sama kayong magdasal ng anak mo bago matulog at siguraduhing magsimba tuwing Linggo. Magpasalamat kayo sa Diyos sa buhay na ipinagkaloob Niya. Mag-alay ka rin kahit kaunti tuwing magsisimba ka at makikita mo na doble ang balik ng halagang inalay mo nang bukal sa loob. Gayundin, palagi kang tumahak sa tamang landas ng buhay at iwasan ang mga maling gawain na alam mong hindi kalugod-lugod sa Diyos. Inoobserbahan ka lang ng langit. Dumaraan ka sa mga pagsubok na sa sandaling malagpasan mo, buhos-buhos na biyaya ang mapasasaiyo. Walang permanente sa mundo, ang lahat ay dadaan at lilipas. Gayundin, lahat ng problema ay may kalutasan. Gamitin mo ang iyong talento at tamang kaisipan upang malagpasan mo ang mga pagsubok. Alalahanin mo na hangga’t mayroong lakas, may gintong silahis ang araw ng bukas. Sumaiyo nawa ang mga pagpapala at mga biyaya ng Dakilang Lumikha sa susunod na mga araw.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
#Sister Isabel del Mundo #SisterIsabeldelMundo