ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |August 02, 2021
Dear Sister Isabel,
Nagkahiwalay kami ng aking anak mula noong 2-anyos siya. Inilayo siya ng kanyang ama dahil may asawa pala siya nang nabuntis ako. Noong una ay masaya kaming nagsasama dahil hindi ko alam na may asawa siya. Tinanggap ko na lang ang nangyari dahil hindi naman kami ginugulo ng misis niya, pero kinailangan kong mag-abroad muli. Biyuda ako at may tatlong anak na pawang maliliit pa, kaya hindi namin kakayanin na pag-aralin at bigyan ng magandang kinabukasan ang mga bata kung sa kanya ko iaasa ang lahat kaya pumayag naman siya. Naiwan sa kanya ang anak namin at ‘yung anak ko sa yumao kong asawa ay iniwan ko sa aking ina. Hindi ko inakala na bumalik siya sa tunay niyang asawa at dinala ang aming anak. Tinanggap at pinatawad naman siya ng asawa niya, pero nag-migrate sila para hindi ko makuha ang bata at tuluyan nang inilayo sa akin.
Nag-iiyak ako sa nangyari, hindi ko alam kung saang bansa sila nag-migrate. Lumipas pa ang mga taon, malaki na ang anak namin at 21-anyos na siya. Matagal na pala niya akong hinahanap at gusto akong makilala at mayakap. Natuklasan niya na hindi niya tunay na ina ang kanyang kinikilalang nanay.
Ngunit ang Diyos ay makatarungan, muli kaming pinagtagpo ng tadhana. Wala namang hinanakit ang anak ko sa akin, napakabait niya at tuwang-tuwa siya sa aming pagkikita. Ang problema, gusto ko siyang makapiling nang matagal at siya man ay ganundin dahil palaging patago ang pagkikita namin. Ayon sa kanya, ayaw niyang bigyan ng sama ng loob ang nakilala niyang ina dahil napakabait nito at itinuring siyang tunay na anak.
Ano ang dapat kong gawin? Nahihirapan na rin ako sa aming sitwasyon. Gusto ko na rin kasing mabuo ang pamilya ko, magkasama-sama sila ng tunay niyang mga kapatid at tumira kami sa iisang bubong. Sana ay mapayuhan ninyo ako.
Nagpapasalamat,
Sheila ng Makati
Sa iyo, Shiela,
Kakaiba ang problemang isinangguni mo at pati ako ay medyo speechless din. Sa aking palagay, ipagpasalamat mo na lang ang inyong pagkikita at walang sama ng loob sa iyo ang anak mo. At kahit sandali lamang kayong magkikita ay masaya naman siya at ikaw ay ganundin. May katwiran siya na ayaw niyang masaktan ang kalooban ng nakilala niyang ina dahil napakabait nito at itinuring siyang tunay na anak.
Enjoyin mo na lang ang bawat oras, segundo, minuto at araw na magkasama kayo ng anak mo. At sa iyo na rin nanggaling, ang Diyos ay makatarungan. Alam Niya ang makabubuti sa bawat taong kanyang nilalang. Tama ka r’yan, kung nananalig ka sa Diyos, patuloy kang magdasal na matupad nawa ang hiling mo na makasama nang matagal-tagal ang anak mong nawalay. Hayaan mong Diyos ang kumilos sa buhay mo at makikita mo na isang araw, nasa harapan mo na ang anak mo kasama ang ama niya at nakilala niyang ina na nakikipag-ayos o nakikipagkasundo kung ano ang marapat na gawin para sa ikaliligaya ninyong lahat.
Naniniwala at nanalig ako na matutupad ‘yan. Iaayos ng Diyos na makapangyarihan ang nagpapagulo sa isip mo ngayon.
Hanggang dito na lang. Sumaiyo nawa ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Dakilang Lumikha.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo