ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 17, 2024
Dear Sister Isabel,
Isa akong tindera ng gulay sa palengke. May nakilala akong isang retired army galing U.S., Pinoy siya at hiwalay na rin sa kanyang asawa. Niligawan niya ako at agad ko rin naman siyang sinagot.
Mula noon, hinango niya ako sa kahirapan. Kumbaga, naging instant mayaman ako, pero hindi ko naman talaga mahal ang lalaking iyon. 60-anyos na siya habang 28-anyos pa lang ako. Hanggang sa dumating sa puntong may nakilala akong ibang lalaki na siyang nagpatibok ng aking puso. Kapwa kami nagmamahal, ang problema nga lang ay nabuntis ako. Natuklasan ito ng asawa kong retired army at ngayon ay binabawi niya na lahat ng ari-arian at pera na ibinigay niya sa akin. Hindi ko na puwedeng ibalik ‘yun, lalo na ‘yung house and lot na galing din sa kanya. Pinapalayas at pinapademanda niya ako ngayon.Ano kaya ang gagawin ko? Mawawalan ako ng ari-arian kapag pumayag ako sa gusto niyang mangyari. Maski ang naipon kong pera ay mauubos lang kung babayaran ko ang P3 milyon na hinihingi niya sa akin. Kasal naman kami, Sister Isabel, at naguguluhan na ang isip ko. Ano kaya ang dapat kong gawin?
Nagpapasalamat,
Maritess ng Batangas
Sa iyo, Maritess,
Wala kang magagawa kundi pumayag sa gusto niya kung ayaw mong makulong. Kasalanan mo ‘yan. Hinango ka na niya sa kahirapan, binigyan ng magandang buhay, ngunit nagawa mo pa rin siyang pagtaksilan.
Tiyak na sa bilangguan ang kahihinatnan mo dahil may ebidensya siya na buntis ka ngayon. Mas mabuting kumunsulta ka sa abogado dahil puwede naman kayong maghati sa ari-ariang binigay niya sa iyo dahil ang sabi mo ay kasal naman kayo. Naniniwala akong kung hihingi ka ng tawad sa asawa mo, tiyak na patatawarin at iaatras niya rin lahat ng reklamo laban sa iyo. Magpakumbaba at ‘wag kang makipagmatigasan sa asawa mo para lumambot ang puso niya at ibigay ang iyong hiling na kalayaan. Sana magpakatino ka na at huwag mo nang ulitin ang pumatol sa iba pang lalaki na nagkakagusto sa iyo. May balik din sa iyo ‘yang ginagawa mo at habambuhay kang hindi pagpapalain. Hanggang dito na lang, nawa'y malampasan mo ang problemang kinakaharap mo sa kasalukuyan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo