ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 24, 2024
Dear Sister Isabel,
May boyfriend ko online, sa Facebook lang kami nagkakilala. Nainlab ako nang husto sa kanya, kaya tinulungan ko siyang makatapos ng pag-aaral, kahit na ‘di pa kami nagkikita ng personal. Awa ng Diyos, natapos niya ang kanyang pag-aaral. Dahil sa sobrang pagmamahal ko sa kanya, binilhan ko rin siya ng kotse. Narito ako ngayon sa Korea habang nasa Pilipinas naman siya. Ang sabi niya, babawi raw siya once na nakapagtrabaho na siya. Subalit, biglang naputol ang aming komunikasyon. Ang sabi ko pa naman ay uuwi na ‘ko sa ‘Pinas para makapagpakasal na kami.
Sister Isabel, hindi ko na siya ma-contact at binlock niya na rin ako. Labis akong nalungkot dahil nagtiwala ako sa kanya. Ka-vibes niya na rin ang mga kapatid ko at minsan ay natutulog din siya roon sa bahay namin. Hindi rin nila mahanap ang boyfriend ko at hindi na rin umano ito nagpapakita sa kanila.
Ano kaya ang gagawin ko? Mahal na mahal ko siya. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Geraldine ng Pampanga
Sa iyo, Geraldine,
Nakikisimpatya ako sa sinapit mo. Nawa’y magsilbing leksyon sa iyo ang nangyari sa buhay mo. Huwag ka na muling magtitiwala sa lalaking hindi mo pa naman nakikita ng personal. Maging matalino ka sa pagpili ng dyowa at huwag basta-basta gamitin ang puso. Gamitin mo rin ang isip at talino mo para hindi ka na muling maiwanan sa ere. Kunsabagay, nand’yan na ‘yan, biktima ka na. I-report n’yo sa pulis at ipahanap sa NBI ang kinaroroonan ng taong iyan. Idemanda mo para mabawi mo ang mga binigay mo sa kanya, pinagpaguran mo ‘yan sa Korea.
Kung ‘di man niya maibalik, pagdusahan niya sa bilangguan ang nagawa niyang kasalanan sa iyo.
Umaasa akong hindi na mauulit ang kamaliang nagawa mo sa buhay mo. Huwag kang maging bulag sa pag-ibig. Makatagpo ka nawa ng totoong magmamahal sa iyo. Hanggang dito na lang, hindi masamang maging mabait, ngunit dapat ilagay sa tama.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo