ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-11 Araw ng Abril, 2024
Dear Sister Isabel,
Magandang araw sa inyo. Ibig ko sanang humingi ng payo tungkol sa kaibigan ko. Ako ang takbuhan niya sa kanyang mga problema. Magkasunod na namatay ang mga magulang niya noong pandemya. Sobrang lungkot niya at nag-iisa na lang siya sa buhay, kaya naisipan ko na patirahin muna siya sa amin. Noong umpisa, pumapayag naman ang parents ko. Pero ngayon, ayaw na nila itong patuluyin.
Naaawa ako sa kaibigan ko. Paano ko kaya sasabihin sa kanya na hindi na siya puwedeng makitira sa amin? Baka masaktan siya at maisipan na naman niyang magpatiwakal.
Suicidal kasi ‘yung friend ko. Sana mapayuhan n’yo ako kung ano ba ang dapat kong gawin upang hindi gaanong masaktan ang friend ko.
Nagpapasalamat,
Cora ng Pangasinan
Sa iyo, Cora,
Hindi mo sinabi kung ilang taon na ang kaibigan mo. Kung hindi na siya teenager, tulungan mo na lang siyang maghanap ng trabaho kahit kahera, saleslady o anumang kaya niyang gawin para mairaos niya ang pang-araw-araw niyang pamumuhay.
Magpatulong ka rin sa mga kakilala mo na may magandang puso. Lumapit ka sa mga sangay ng gobyerno na makakatulong sa kaibigan mo. Natitiyak kong maihahanap mo siya nang tamang lugar upang hindi na siya nakikitira sa inyo.
Puwede rin naman siyang magtinda ng mga kaya niyang itinda. Akayin mo siya sa tamang landas ng buhay na kung saan, hindi niya na kailangang umaasa pa sa kanyang kapwa.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo