ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 19, 2021
Iginiit ng Department of Health (DOH) na epektibo pa rin ang Sinovac ng China laban sa COVID-19 matapos maiulat ang 350 healthcare workers sa Indonesia na naturukan ng nasabing bakuna ngunit nagpositibo pa rin sa Coronavirus.
Pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, "Let's get the vaccine. Let us not be doubtful. Let's give that confidence.”
Saad pa ni Vergeire, "Hindi po natin maikakaila na may breakthrough infections... pero kailangan pa rin po natin ng kumpletong datos para ma-analyze nang maigi.”
Karamihan umano sa mga healthcare workers na nagpositibo sa COVID-19 sa Indonesia ay asymptomatic at nagse-self-isolate sa bahay, ngunit ang ilan ay kinailangang i-admit sa ospital dahil sa mataas na lagnat at pagbaba ng oxygen-saturation levels, ayon kay Badai Ismoyo, head ng health office ng Kudus District sa Central Java.
Ayon naman kay Vergeire, kung 350 ang nagpositibo sa 5,000 health workers sa Indonesia, 7% lamang ito at masasabing epektibo pa rin ang Sinovac sa natitirang 93%.
Noong Enero nagsimulang magbakuna ang Indonesia sa mga healthcare workers na priority group at ayon sa Indonesian Medical Association (IDI), karamihan sa mga ito ay nakatanggap ng Sinovac COVID-19 vaccine mula sa China.
Ayon din naman sa public health experts sa Indonesia, bumaba ang bilang ng mga healthcare workers na namatay sa COVID-19 noong Enero hanggang Mayo ngunit nababahala sila sa pagtaas ng kaso sa Java.
Saad pa ni Dicky Budiman, epidemiologist ng Australia Griffith University, "The data shows they have the Delta variant (in Kudus) so it is no surprise that the breakthrough infection is higher than before, because, as we know, the majority of healthcare workers in Indonesia got Sinovac, and we still don’t know yet how effective it is in the real world against the Delta variant.”
Samantala, ayon kay Vergeire, hindi dapat mabahala ang mga Pilipino at wala pa umanong naitatalang kaso ng adverse events “which have direct causality with the vaccine."