ni Lolet Abania | July 2, 2021
Muling ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na ang mga COVID-19 vaccines ay hindi ipinagbibili matapos na tatlo umanong sellers ng Sinovac doses ang inaresto.
Una nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na nadakip nila ang tatlo sa apat na suspek na sangkot sa pagbebenta ng COVID-19 vaccines.
Isang entrapment operation ang ikinasa ng NBI Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) kung saan nadakip ang isang nurse, isang medical technologist at isang Chinese na nagbebenta umano ng Sinovac vaccines.
Nakatanggap ng impormasyon ang NBI hinggil sa pagbebenta ng grupo ng nasabing bakuna. Isang poseur buyer ang bumili sa mga suspek ng 300 doses ng CoronaVac na nagkakahalaga ng P840,000.
Ayon pa sa NBI, kadalasang buyer nito ay mga Chinese.
Inaalam na rin ng ahensiya kung saan nanggaling ang supply nila ng naturang bakuna. Nagpahayag naman ng kalungkutan si DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire nang mabatid ang insidente.
“Bakit kailangang magkaroon ng ganitong pagkakataon na people are taking advantage of what we have right now?” ani Vergeire sa briefing ngayong Biyernes.
Hinimok naman ng kalihim ang publiko na tumanggap lamang ng COVID-19 vaccine mula sa gobyerno at hindi sa iba pa.
“‘Wag po kayong bibili sa ibang mga tao dahil wala po silang pagkukunan ng bakunang ‘yan, because it is just national government which can access these vaccines for now,” paliwanag ni Vergeire.
“Kahit isang dose lang po ng bakuna ang nasasayang dahil sa mga ganitong pamamalakad ay napakaimportante na po para sa atin,” dagdag niya.
Ang tatlong naarestong indibidwal ay sasampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Food and Drug Administration Act.