top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 29, 2021




Dumating na sa ‘Pinas ang karagdagang 500,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccines na inihatid ng isang chartered flight ng Cebu Pacific galing Beijing, China ngayong umaga, Abril 29.


Sa kabuuang bilang ay 3,500,000 doses ng Sinovac na ang nakarating sa bansa, kabilang ang 1 milyong donasyon ng Chinese government.


Ito ang ika-6 na batch na dumating mula sa China at katulad ng ibang bakuna ay iiimbak ito sa cold storage facility ng Marikina City.


Batay pa sa evaluation ng Food and Drug Administration (FDA), ang naturang bakuna ay nagtataglay ng 65% hanggang 91% na efficacy rate sa mga healthy individual na edad 18 hanggang 59-anyos, habang 50.4% naman ang bisa nito sa health workers, at mahigit 52% sa mga senior citizen na edad 60 pataas.


Kaugnay nito, inaasahan namang darating din ngayong araw ang 480,000 doses ng Sputnik V galing Russia, kung saan dalawang araw nang naudlot ang initial 15,000 doses nito dahil sa ‘logistic concerns”.


Sa ngayon ay 4,025,600 doses ng COVID-19 vaccines na ang nakarating sa bansa, kabilang ang 525,600 doses ng AstraZeneca mula sa COVAX facility.


Samantala, tinatayang 1,809,801 indibidwal na ang mga nabakunahan kontra-COVID-19, kung saan 246,986 ang mga nakakumpleto sa dalawang dose at 1,562,815 naman para sa unang dose.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 22, 2021



Dumating na sa bansa ang karagdagang 500,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccine mula sa China ngayong Huwebes.


Lumapag sa NAIA Terminal 2 ang Philippine Airlines flight na may lulang Sinovac vaccine doses bandang alas-5 nang hapon.


Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr., 100,000 sa 500,000 doses ang inaasahang ipamamahagi sa Metro Manila.

Saad pa ni Galvez, "Inaasahan po natin na iyong administration nito is within one week, matatapos po kaagad."


Unang nabanggit ni Galvez na inaasahang darating sa bansa ang 1.5 million COVID-19 vaccines sa bansa ngayong Abril.


Samantala, ayon kay Galvez, umabot na sa 1,612,420 ang naipamahagi nang bakuna laban sa COVID-19 sa bansa.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 15, 2021




Umakyat sa ika-4 na alarma ang sunog sa Misamis Oriental Provincial Health Office kagabi, kung saan natupok ang 30 vials ng Sinovac COVID-19 vaccines, batay sa ulat ng Department of Health (DOH) Region 10.


Ayon sa ulat, nakalaan ang ilang nasunog na bakuna para sa healthcare workers ng kapitolyo at ipinagpapasalamat nila na hindi natuloy kahapon ang pagdating ng mahigit 1,000 doses na karagdagang bakuna mula sa DOH.


Paliwanag pa ng Cagayan De Oro Fire District, rumesponde sa sunog ang 19 fire trucks at halos dalawang oras ang itinagal bago naideklarang fire under control, kung saan mahigit P1.4 million ang halaga ng mga napinsala.


Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang sanhi ng sunog. Wala namang iniulat na nasugatan o nasawi sa insidente.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page