ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 13, 2021
Tinatayang aabot sa 348 vials ng Sinovac COVID-19 vaccines ang nasira matapos hindi maisaksak ang freezer na pinaglagyan nito sa Makilala, North Cotabato.
Ayon kay Makilala Municipal Health Officer Dr. Gina Sorilla, ang mga naturang bakuna ay gagamitin dapat sa mga senior citizens.
Saad naman ni Makilala Inter Agency Task Force (IATF) Spokesperson Lito Cañedo, inilagay ang mga bakuna sa freezer ng municipal health office kung saan nag-brownout noong Biyernes, alas-12:30 PM.
Aniya, “Because of the brownout, the health workers and the police in charge of securing the vaccines decided to transfer the vials to the freezer of the Makilala police office.”
Habang walang kuryente, gumamit umano ng generator para sa mga bakuna.
Ayon kay Cañedo, bumalik ang kuryente bandang alas-2 nang hapon noong Biyernes ngunit hindi nailipat sa regular power source ang freezer nang mag-shutdown ang generator.
Umuwi na umano ang mga municipal office workers kabilang ang mga health personnel bandang alas-3 nang hapon bilang pagsunod sa health protocols.
Saad pa ni Cañedo, “Nobody noticed it on Friday that the freezer was not switched backed to the regular power supply. Saturday and Sunday were no work days; it was only on Monday morning (May 10) that it was discovered by the personnel in charge from the town health office."
Kinumpirma naman ni Philbert Malaluan, Cotabato provincial board member at spokesperson ng provincial IATF ngayong Huwebes na nasira na ang mga bakuna.
Aniya sa isang radio interview, “The advisory said the vaccines have been damaged.”