P-Digong
ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 6, 2021
Muling tuturukan ng Sinopharm vaccine si Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang second dose ng bakuna kontra COVID-19, ayon sa Malacañang.
Kamakailan ay nagdesisyon si P-Duterte na ibalik ang 1,000 Sinopharm doses donation ng China dahil hindi pa ito nabibigyan ng emergency use authorization (EUA) sa bansa.
Saad naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “Siyempre, hindi ibabalik ‘yung pang-second dose ni Presidente para matapos niya ang second dose niya.”
Noong Lunes, binakunahan si P-Duterte gamit ang Sinopharm at nu’ng Miyerkules, humingi siya ng paumanhin sa mga medical experts at pinababalik nito kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ang 1,000 vaccines upang maiwasan umano ang mga kritisismo dahil hindi pa aprubado ng FDA ang naturang bakuna ngunit ginamit na ng pangulo dahil sa compassionate special permit (CSP).
Ayon kay Sec. Roque, “Sabi ni Presidente, para mawala na ‘yung ganyang kritisismo at habang siya pa lang ang gumagamit sa 1,000 na pagbakuna, siyempre, mas mabuting ibalik na muna sa Tsina.”