ni Lolet Abania | August 11, 2021
Isandaang libong doses ng Sinopharm COVID-19 vaccine na gawa ng China ang bagong dumating sa 'Pinas ngayong Miyerkules nang hapon mula sa United Arab Emirates.
Lumapag ang shipment ng mga COVID-19 vaccines sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City pasado alas-2:00 ng hapon. Kabilang sa mga sumalubong sa pagdating ng Sinopharm vaccines sina National Task Force against COVID-19 (NTF) Assistant Secretary Wilben Mayor, UAE Embassy Acting Charge Affairs Khalid Alhajeri, at Bureau of International Health Cooperation Director IV Ma. Soledad Antonio.
Ayon kay Mayor, ang mga bagong dating na Sinopharm vaccines ay dadalhin sa mga lugar na may mataas na COVID-19 infections. “Kung saan may surge ng cases ng COVID-19, doon natin ide-deploy dahil 'yun ang nangangailangan ng bakuna,” ani Mayor sa mga reporters.
Batay sa World Health Organization, ang Sinopharm vaccine ay may efficacy rate kontra-COVID-19 ng 79% habang ang efficacy naman laban sa hospitalization ay nasa 79%. Sinabi naman ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na nagpahayag ang UAE na magdo-donate ng 500,000 doses ng Sinopharm, kung saan natanggap ng vaccine ang emergency use authorization (EUA) sa bansa noong Hunyo.
Gayundin, ayon sa Food and Drug Administration (FDA), plano ng gobyerno na bumili ng mas maraming Sinopharm vaccines. Samantala, matatandaang ini-report ni Galvez sa mga nakaraang Talk to the People na 1 milyong Sinopharm doses na donasyon ng China ang nakatakdang dumating sa Pilipinas sa Agosto 21.