ni Lolet Abania | August 08, 2021
Pinag-iisipan ng pamahalaan na bumili ng mas maraming doses ng Sinopharm COVID-19 vaccine na gawa ng China para matugunan ang kakulangan ng bansa sa bakuna, ayon sa Food and Drug Administration.
Sa ngayon, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na inaasahan ng gobyerno ang donasyon ng mahigit sa 1 milyong doses mula sa Sinopharm vaccine, kung saan inaprubahan na ng pamahalaan ang isang emergency use authorization (EUA) noong Hunyo.
“Ang pagkakaalam ko po, may donasyon na 1 million na inaabangan. 'Pag tapos na ‘yun, mayroong ipo-procure pero siguro, sa mga susunod na buwan pa iyon,” sabi ni Domingo sa isang interview ngayong Linggo nang umaga hinggil sa pagkuha ng Sinopharm.
Una nang binanggit ni Domingo na ang Sinovac, na gawa rin ng China, ang pinakamaraming vaccine na ginagamit sa bansa sa ngayon, kasunod ang AstraZeneca at Pfizer, habang ang Sputnik V ay kaunti lamang dahil sa limitadong supply nito.
Matatandaan na ito ang itinurok kay Pangulong Rodrigo Duterte at nakumpleto niya ang dalawang doses ng Sinopharm vaccine at fully vaccinated na. Ito rin ang vaccine na naging kontrobersiyal dahil sa paggamit ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG), bago pa binigyan ng EUA ng pamahalaan.
Samantala, sa datos na ipinrisinta ng National Task Force Against COVID-19, nakasaad na ang bilang ng fully vaccinated population sa bansa ay umabot na sa 10.28 milyon hanggang nitong Agosto 5, 2021.