ni Lolet Abania | July 1, 2021
Muling ipapatupad ng gobyerno ng Quezon City ang pababawal sa single-use na mga plastik at iba pang disposables.
Batay sa City Ordinance No. 2876-2019, lahat ng hotels at restaurants sa Quezon City ay hindi na papayagang mamigay para sa kanilang dine-in customers ng mga disposables simula sa Huwebes, July 1, 2021.
Kabilang sa ipinagbabawal ay plastik na kutsara at tinidor, kutsilyo, plastic/paper cups, plato, plastik/paper straws, coffee stirrers, soap sachets, shampoo sachets, condiment cups na may lids, ketchup/soy sauce packets, at ibang katulad na plastik at disposable materials.
Nasa nakasaad na anunsiyo ng Quezon City government na kanilang nai-post sa social media, ang mga hindi susunod sa ordinansa ay maaaring mapatawan ng penalties na 1st offense: P1,000 fine; 2nd offense: P3,000 fine at revocation ng environmental clearance at issuance ng cease and desist order; 3rd offense: P5,000 fine at revocation ng business permit at issuance ng closure order.
Matatandaang ibinalik ng QC government ang pagbabawal ng paggamit ng mga plastic bags nitong Marso matapos na pansamantalang i-lift ito noong May, 2020 sa pamamagitan ng pag-isyu ng Localized Guidelines ng lungsod para sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).