ni Lolet Abania | November 1, 2020
Nagpositibo sa test sa Coronavirus si Simona Halep, tinaguriang world’s no. 2 sa women’s tennis, at sumasailalim na sa self-isolation.
"Hi everyone, I wanted to let you know that I tested positive for COVID-19," sabi ng 29-anyos na Romanian sa kanyang Twitter account. "I am self-isolating at home and am recovering well from mild symptoms.”
Gayunman, ayon kay Halep, maayos ang kanyang kalagayan at maganda ang pakiramdam. "I feel good ... we will get through this together."
Ayon pa kay Halep, hindi siya nagtungo sa New York para sa U.S. Open Grand Slam ngayong taon dahil sa pangamba niya para sa kanyang kalusugan sanhi ng COVID-19 pandemic.
Samantala, nagwagi si Halep sa French Open noong 2018 at siyang reigning Wimbledon champion. Nagtungo siya sa Paris para lumaban ng Grand Slam subali’t tinalo siya ng naging kampeon na si Iga Swiatek sa fourth round sa French Open sa Roland Garros nitong nakalipas na buwan.
Tinanggihan na ni Halep ang Women's WTA Tour na nakaiskedyul ang tournament sa Austria mula November 9, 2020 dahil para sa kanya, tapos na ang 2020 season kasabay ng pagkatalo niya sa French Open.