ni Lolet Abania | December 16, 2020
Ipinagdiwang ng mga Katoliko ngayong Miyerkules ang una sa siyam na sagradong debosyon ng Simbang Gabi bago ang Kapaskuhan sa kabila ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Sinimulan ng Jesuit priest na si Fr. Francis Alvarez ang livestreamed mass na dinaluhan ng mahigit sa 4,000 viewers para sa natatanging reflection ng kanyang mensahe sa Simbahan ng Gesu, kasabay ng pagsasagawa rin ng maliliit na grupo sa iba pang mga simbahan.
Ipinaalala ni Fr. Alvarez sa mga dumadalo at pumupunta sa mga simbahan na limitado lamang dapat ang tao at patuloy na isagawa ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield at panatilihin ang social distancing upang hindi na kumalat pa ang virus.
"In the prison of our homes during lockdown and quarantine, we can find ourselves doubting," ani Fr. Alvarez sa kanyang homily na ang gospel ay patungkol kay St. John the Baptist. Dagdag niya, “Permit yourself to doubt but do not stop at doubt."
Ipinunto rin ni Fr. Alvarez na marami sa mga Katoliko ang hindi na nakakatanggap ng mga sacraments, lalo na ng Holy Communion simula nang magkaroon ng mga lockdowns noong March subali't binibigyan ang mga ito ng pagkakataon na bigkasin ang "Act of Spiritual Communion."
"That is what is so hard about 2020, presence is limited," sabi ni Fr. Alvarez, kung saan marami rin aniya ang nangungulila sa kanilang mga kaibigan at pamilya na makasama sa Banal na Misa.
Gayunman, hinikayat ni Fr. Alvarez ang mga deboto na magbigay na lamang ng kani-kanyang testimonya sa kabutihan ng Diyos. "Tell stories that testify on presence, help them dispel their doubts," sabi ng pari.
Samantala, ang Jesuit congregation at iba pang mga simbahan sa bansa ay nagsasagawa ng livestreaming ng Simbang Gabi online sa lahat ng social media accounts.