ni Lolet Abania | December 15, 2021
Ibinabalik ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ang kanilang tradisyong Simbang Gabi ngayong taon.
Ang mga mass, ka-partner ang Our Lady of Sorrows Parish at iba pang sponsors sa paligid ng complex, ay gaganapin ng alas-5:00 ng madaling-araw mula Disyembre 16 hanggang 24, outdoors o sa labas sa may CCP Main Ramp.
Samantala, ang Christmas Eve mass ay nakatakdang ganapin ng alas-8:00 ng gabi sa Disyembre 24 sa CCP Main Theater.
Para naman sa mga nasa kanilang mga tahanan, maaaring panoorin ang Anticipated Mass from the Regions ng alas-9:00 ng gabi mula Disyembre 15 hanggang 23 sa Facebook page ng CCP.
Kabilang sa mga featured parishes ang Sto. Niño Parish sa Pandacan, Manila (Disyembre 15); St. Catherine of Alexandria Cathedral Parish sa Dumaguete City (Disyembre 16);
National Shrine of Our Lady of Candles (Jaro Metropolitan Cathedral) sa Iloilo (Disyembre 17); Holy Cross Parish (Margot) sa Angeles City, Pampanga (Disyembre 18); Basilica Minore del Santo Niño de Cebu sa Cebu (Disyembre 19); St. Francis Xavier Parish sa Cagayan de Oro City (Disyembre 20); Our Lady of Piat Basilica sa Piat, Cagayan (Disyembre 21); Archdiocesan Shrine of Sto. Niño sa Tacloban City (Disyembre 22); at St. Gregory the Great Cathedral Parish sa Daraga, Albay (Disyembre 23).
Maglulunsad din ang CCP ng kanilang Christmas lighting event para sa 2021 ng alas-7:00 ng gabi sa Disyembre 15.
Ang program na magpapakita ng mga natatanging imahe ng mga holiday symbols at Christmas carols ay mapapanood ng live streaming sa CCP Facebook page.
Tiniyak naman ng CCP na mahigpit nilang susundin ang mga health and safety guidelines at ipapatupad ang 70% outdoor capacity para sa Simbang Gabi, at 50% indoor capacity para sa Christmas Eve mass.