ni BRT @News | September 17, 2023
Iminungkahi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na itigil muna ang online registration ng SIM card habang hindi umano naaayos at nalilinis ang listahan ng mga nakatala.
Ginawa ng ahensya ang mungkahi matapos nilang matuklasan na nakakalusot sa rehistro maging ang pekeng address, larawan at pangalan ng cartoon characters.
Ayon kay PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz, nakakumpiska sila ng makina na nabibili online na kayang gumawa ng 64 SIM cards sa loob lang ng tatlong minuto.
“Siguro po for the meantime — suggestion lang po ito sa amin — huwag muna natin gamitin 'yung ating SIM registration, 'yung mga bago lang na magpaparehistro,” sabi ng opisyal sa isang panayam.
Dapat umanong suriing mabuti ng mga telecommunication companies (telcos) at awtoridad ang mga nakasaad na impormasyon ng mga nakatala sa mga inirehistrong SIM card para maalis ang mga pekeng impormasyon.
“Habang nakatigil 'yung pagrerehistro online ay salain na po nila. Kagaya ng sinabi ko physically, manually puwede nilang makita 'yung mga dapat tanggalin at imbestigahan na 'yung mga iyon,” anang opisyal.
Iminungkahi rin ni Cruz na magkaroon ng department o executive order na nagpapahintulot sa telecommunication firms na i-cross-check ang mga ID na ginagamit sa pagpaparehistro.
Samantala, binigyang-diin naman ni Senadora Grace Poe na ang pagpapatupad ng mandatory SIM registration ang nakikita niyang pangunahing problema sa pagtaas ng cases ng scamming sa bansa.
Tinutulan ni Poe ang mungkahi ng PAOCC na suspendihin muna ang online registration ng SIM Cards.
Dagdag pa niya, tila ang pagsususpinde nito ay nagpapakita lamang ng pagsuko ng bansa kung saan maaari naman umano itong resolbahin ng gobyerno at ng mga telco.