top of page
Search

ni Lolet Abania | May 27, 2021



Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karagdagang P5 bilyong badyet para sa mga gastusin sa isinasagawang quarantine ng mga returning Overseas Filipino Workers (OFWs), ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


“The President approved an additional P5 billion budget and this was confirmed by Labor Secretary Silvestre Bello III,” ani Roque sa briefing ngayong Huwebes.


“This budget will pay for the quarantine hotel expenses because of the longer quarantine period that we require for our returning OFWs,” dagdag ng kalihim.


Ipinatutupad ng pamahalaan para sa mga returning OFWs ang pagsasailalim sa quarantine sa isang pasilidad ng gobyerno nang 10 araw habang sasailalim sa RT-PCR test sa ika-7 araw ng quarantine.


Sakaling ang kanilang test ay negative, kailangan na lamang tapusin ng mga naturang OFWs ang 14-day quarantine sa kanilang tahanan.


Matatandaang binanggit ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Chief Hans Leo Cacdac na ang ahensiya ay mangangailangan ng P9 bilyong karagdagang badyet upang tugunan ang mahabang quarantine period na kailangan ng mga returning OFWs sa gitna ng pagkakaroon pa ng bagong variants ng COVID-19. Mahigit sa 500,000 OFWs ang na-repatriate simula pa ng COVID-19 pandemic kung saan labis na naapektuhan ang mga negosyo at iba pang industriya sa buong mundo.


 
 

ni Lolet Abania | May 2, 2021




Hinihintay na lamang ang pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa panukalang P30,000 benepisyo na makukuha ng manggagawang tinamaan ng COVID-19, ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III.


“'Yung sakit na COVID-19 [ay magiging] compensable na ‘yan, hinihintay na lamang ang approval ng ating pangulo,” pahayag ni Bello sa isang virtual interview ngayong Sabado.


Giit ni Bello, naghain ang Employees’ Compensation Commission (ECC) ng panukalang P30,000 one-time benefit na matatanggap ng isang manggagawa na nagkasakit ng COVID-19.


“Merong resolusyon ang ECC diyan. Kapag tinamaan ka ng COVID sa trabaho mo, mayroon kang assistance na P30,000. One time lang po ‘yan,” ani Bello.


Sinabi ng kalihim, ang empleyado, kahit saan man sila nagtatrabaho – micro, small at medium enterprises – ay maaaring kumuha ng naturang benepisyo sa Social Security System (SSS).


“I have no reason to doubt that the president won’t approve it…Kaya pagdating niyan sa lamesa niya, pipirmahan agad ng presidente natin ‘yan,” sabi ni Bello.


Matatandaang noong April 28, inaprubahan ng ECC na pinamunuan ni Bello ang pagkakasama ng COVID-19 sa listahan ng mga itinuturing na occupational at work-related compensable diseases.


Nangangahulugan ito na ang isang manggagawa mula sa pribado o pampublikong sektor na tinamaan ng virus ay may karapatan na makatanggap ng kompensasyon mula sa tinatawag na Employees’ Compensation Program ng ECC.


Nakasaad sa ECC board resolution 21-04-14, ang isang na-diagnose clinically ng COVID-19 at nagkaroon ng history, signs at sintomas ng COVID-19 habang suportado ng diagnostic proof, kabilang dito ang reverse transcriptase polymerase chain reaction (RT-PCR) test ay itinuturing na compensable sa alinmang sumusunod na kondisyon:


• Kinakailangang may direktang koneksiyon sa mga offending agent o event at ang isang empleyado ay nakabase sa epidemiological criteria at occupational risk (e.g. healthcare workers, screening at contact tracing teams, etc.)


• Ang trabaho ng isang manggagawa ay nangangailangan ng palagiang face-to-face at close proximity interaction sa publiko o sa mga confirmed cases para sa healthcare workers’.


• Nakuha ang COVID-19 sa pinagtatrabahuhan.


• Nakuha ang COVID-19 dahil sa pagko-commute papasok at pauwi sa trabaho.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 28, 2021




Tatlong libong overseas Filipino workers (OFWs) at 2,000 minimum wage earners ang tinatarget mabakunahan kontra-COVID-19 ngayong darating na Labor Day, May 1, ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III.


Aniya, "Humingi ako kay Galvez... binigyan naman ako ng 5,000 bakuna para sa pagbabakuna namin ng 3,000 OFWs at saka 2,000 manggagawa. Gumagawa na kami ngayon ng listahan."


Matatandaang nagsimula ang vaccination rollout sa ‘Pinas noong ika-1 ng Marso sa pangunguna ng mga frontline healthcare workers at pulis na sinundan ng mga senior citizens at may comorbidities.


Kabilang din sa mga naging prayoridad sa bakuna ang mga mayor at governor na nasa high risk areas.


Sa ngayon ay prayoridad na ring mabakunahan ang mga nasa A4 Priority Groups, kung saan kabilang ang mga frontline employees upang maabot ang herd immunity sa bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page