ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 08, 2021
Inihihirit ni Department of Labor Secretary Silvestre Bello III kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Department of Budget and Management (DBM) na maglaan ng P2 billion pondo para sa cash assistance sa mga manggagawang apektado ng dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region.
Ani Bello sa isang panayam, “Humingi kami kay Pangulong Duterte at sa DBM, humirit kami ng P2 billion kasi ang estimated natin ay maaapektuhan ang 300 to 400 workers, [sila] ang nawalan ng trabaho o mababawasan ng trabaho rito sa loob ng dalawang linggong ECQ.”
Pinoproseso pa umano ang naturang request ng DOLE at ayon kay Bello, kabilang ang mga apektadong manggagawa sa Laguna sa ikinokonsidera ng ahensiya na bigyan ng cash aid dahil isinailalim din ang naturang lugar sa mahigpit na quarantine classification.
Samantala, hanggang sa Agosto 20 pa isasailalim ang Metro Manila sa ECQ dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant.