ni Lolet Abania | June 23, 2022
Ipinahayag ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na kanyang napili si outgoing Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello bilang chairman at resident representative ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan, at si dating Cabinet Secretary Karlo Nograles bilang chairman ng Civil Service Commission (CSC).
“Bello and Nograles join a growing pool of officials retained from the Duterte administration by President-elect Marcos in his bid to select officials with proven track records who will help in nation-building,” batay sa kampo ni Marcos.
Bago naging DOLE chief noong 2016 sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Bello ay nagsilbing cabinet secretary sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Siya rin ay naging Justice secretary at Solicitor General sa ilalim naman ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Si Nograles na isa sa mga ad-interim appointees ni Pangulong Duterte bilang CSC chairman, kung saan na-bypass dahil sa kawalan ng quorum ng Commission on Appointments (CA) nito lamang Hunyo, ay napili ni Marcos sa parehong posisyon.
Bago nagsilbi sa executive branch, si Nograles ay nagtrabaho bilang lawyer at Davao City representative ng tatlong termino.
Sa ilalim naman ng Duterte administration, si Nograles nagsilbi bilang acting Malacañang spokesperson, cabinet secretary, at co-chair ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 (IATF).
“Maraming-maraming salamat po for this opportunity to continue our efforts to further professionalize the civil service, not only to make it world-class but, more importantly, to better serve our fellow Filipinos especially during these trying times,” ani Nograles sa isang statement.
“I am very excited to return to the Civil Service Commission and lead it into the better normal, together with its committed and dedicated public servants,” dagdag niya.