ni Lolet Abania | February 14, 2022
Matapos ang hagupit ng Bagyong Odette, muling binuksan sa mga turista ang Siargao Island, ang tinaguriang world-class surfing destination ng bansa.
Sa isang teleradyo interview ngayong Lunes kay Mayor Prosferina Coro ng bayan ng Del Carmen, Surigao del Norte, ang paliparan sa Siargao ay nagbukas na makalipas ang ilang buwan na sarado ito dahil sa matinding pinsala na idinulot ng bagyo.
“Bukas na po ang tourism natin,” sabi ni Coro na aniya, ilang resorts na rin ang nagbalik na sa kanilang operasyon.
“Maayos-ayos na po kami ngayon,” dagdag niya habang patuloy ang recovery efforts na kanilang isinasagawa sa lugar.
Ayon naman kay Cielo Villaluna, spokesperson ng Philippine Airlines, ang kanilang mga flights sa Siargao ay magre-resume sa Pebrero 22, gamit ang kanilang 86-seater De Havilland Dash 8-400 NG aircraft.
“We look forward to resuming flights to Siargao. PR2971/2972 Manila-Siargao-Manila will operate every Tuesday, Thursday and Sunday,” ani Villaluna.
Simula pa lang ng taon, dahan-dahan na ring nagbubukas ang mga maliliit na negosyo sa Siargao habang ang mga residente ay muli na ring itinatayo ang kanilang mga tirahan.
Ayon kay Coro, bukod sa kabuhayan ng mga residente at ang pangangailangan na i-relocate ang ilan na malayo sa tinatawag na “no-build zones,” partikular na sa mga coastal areas, malaking hamon sa kasalukuyan aniya sa isla ang stable o matatag na telecommunications signal.
“Sa airport lang maganda ang signal," saad ni Coro, kung saan ang airport sa Siargao ay matatagpuan sa Del Carmen.
Sinabi pa ng alkalde na umaasa rin ang lokal na pamahalaan sa national government para sa relocation site ng mga residente sa coastal areas.